Home NATIONWIDE Diokno, testigo pinuri ni Lacson sa paglalantad ng P817M hidden wealth ni...

Diokno, testigo pinuri ni Lacson sa paglalantad ng P817M hidden wealth ni VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Kinilala ni Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado ang papel na ginampanan nina Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno at prosecution expert witness Alexander Cabrera sa paglalahad ng di-maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Sa ginanap na impeachment trial ni VP Sara, inilatag nina Diokno at Cabrera ang halos isang bilyong hidden wealth ng mag-asawang Duterte-Carpio na dapat itinala sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities and Net Work (SALN) na itinakda ng batas.

Ayon kay Lacson, hinihintay niya ang magiging tugon ng depensa sa P817 milyon na hindi ideneklara ni Duterte sa kanyang SALN kabilang ang P766 milyong pumasok sa CALE88 Foods Corporation sa kabila nang P208 milyon lamang ang kinita nito.

Binigyang-diin ni Lacson na kailangan pang masuri ang testimonya ni Cabrera sa cross-examination ng depensa na nakatakdang magsimula sa susunod na linggo.

“IMPEACHMENT TRIAL: Without intending to prejudge the outcome, and subject to any convincing rebuttal the defense may present during the cross-examination of prosecution expert witness Atty. Alexander B. Cabrera, Cong. Chel Diokno appears to have tied up the issues under Article II (Unexplained Wealth) with remarkable clarity, precision, and coherence,” saad niya sa isang post sa X.

Noong Biyernes, tinanong ni Diokno si Cabrera hinggil sa Article II ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente, na tumatalakay sa alegasyon ng di-maipaliwanag na yaman.

Ayon sa mga ulat, sinabi ni Rep. Terry Ridon, isa pang public prosecutor, na kung matapos na ang cross-examination ng depensa kay Cabrera, at posibleng re-direct examination at re-cross-examination, ihaharap na ng prosekusyon ang pormal na listahan ng mga ebidensiyang nais nitong tanggapin ng hukuman.

Sa pagdinig noong Biyernes, pabirong sinabi ni Lacson na pang-FM radio ang mga boses nina Diokno at Cabrera. “Hindi po ako inantok,” aniya.

Gayunman, sinabi ni Lacson na bagama’t iginagalang niya si Cabrera at ang kanyang mga kredensiyal, hindi pa niya maituturing na conclusive ang testimonya nito sa yugtong ito, dahil maaari pang kuwestiyunin ng depensa ang pagsusuri nito at tukuyin ang mga posibleng kahinaan ng kanyang testimonya.

Binanggit din niya na maaaring magharap ang depensa ng sarili nitong eksperto at pagsusuri, na pagkatapos ay titimbangin nila ng kanyang mga kapwa senador-hukom ang kani-kanilang testimonya.

“Pag dumating ang inyong pagkakataon na i-present ang sarili ninyong expert na may analysis, titimbangin namin kung ano ang mas kapanipaniwala,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here