MANILA, Philippines – Dinipensahan ni Senador Kiko Pangilinan at ng Liberal Party of the Philippines (LP) ang miting ni Naga City Mayor Leni Robredo kasama si Israeli Ambassador Dana Kursh.
Anila, ang pagtanggap ng bisita sa lungsod ay hindi nangangahulugan ng anumang endorsement ng genocide.
“Public officials have diplomatic responsibilities. Fulfilling these responsibilities doesn’t mean they support the atrocities being committed,” saad sa pahayag ni Pangilinan nitong Linggo, Oktubre 11.
“We continue to stand for the protection of human rights, especially of civilians, and accountability, including under international law,” dagdag pa niya.
Ganito rin ang sentimyento ng LP at sinabing dapat ay maging patas ang publiko sa panghuhusga.
“Walang naipakitang ebidensiya na sa pagtanggap sa embahador ay nagpahayag si Mayor Robredo ng pagsang-ayon sa mga operasyong militar ng Israel sa Gaza. Magkaiba ang pakikipag-ugnayang diplomatiko at pagsuporta sa mga patakaran ng isang pamahalaan,” saad naman sa pahayag ng partido noong Sabado.
Matatandaan na tinanggap ni Robredo si Kursh sa kanyang courtesy visit sa Naga City Hall noong Oktubre 5, 2026.
Sa kabila nito, kinilala naman ng LP ang karapatan ng publiko na magtanong, bumatikos, at panagutin ang sinumang opisyal ng pamahalaan.
“Ngunit kaakibat ng karapatang ito ang responsibilidad na maging patas at tapat sa katotohanan. Sa mga usaping may kinalaman sa karapatang pantao, mahalagang maging malinaw ang ating mga prinsipyo at maingat sa ating mga paghatol,” sinabi ng partido.
Iginiit naman ng LP ang posisyon nito sa human rights, kaligtasan ng sibilyan, at accountability para sa paglabag sa international law. Kabilang dito ang karapatan ng Palestinians sa security, dignity, at self-determination. RNT/JGC