MANILA — Agad na kumilos ang administrasyon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y mga pekeng parking attendant na naniningil ng sobra sa mga motorista sa labas ng Rizal Memorial Stadium sa Adriatico Street, Malate.
Tatlong hinihinalang suspek ang inaresto ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) matapos umanong maningil ng labis na parking fee at mabigong magpakita ng pagkakakilanlan o katibayan na awtorisado silang maningil.
Ayon kay Domagoso, agad na inaksyunan ng mga awtoridad ang reklamong ipinadala sa Bilis Kilos Action Center ng pamahalaang lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na hindi palalampasin ng lokal na pamahalaan ang anumang pagtatangkang samantalahin ang mga motorista sa pamamagitan ng ilegal na paniningil ng parking fee.
Pinayuhan din ni Domagoso ang publiko na maging mapagmatyag at tiyaking lehitimo ang mga taong naniningil ng bayad sa paradahan.
Hinimok niya ang mga motorista na agad ireport sa Bilis Kilos Action Center o sa mga opisyal na social media account ng pamahalaang lungsod ang anumang kahina-hinalang paniningil o pagpapanggap bilang awtorisadong parking attendant.
Ayon sa alkalde, nakahanda ang pamahalaang lungsod na makinig sa mga reklamo ng publiko at kumilos laban sa mga mapagsamantalang indibidwal.
“Hindi natin papayagang samantalahin ang ating mga kababayan. May gobyerno sa Maynila,” diin ni Domagoso.
Sa ilalim ng kanyang direktiba, mahalagang matiyak na hindi nagiging pagkakataon ang mga pampublikong lugar para sa ilegal na paniningil at pang-aabuso sa mga motorista.
Pinayuhan naman ang mga mamamayan na huwag basta magbayad sa mga taong hindi makapagpakita ng sapat na pagkakakilanlan o patunay ng kanilang awtoridad.
Patuloy na hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang agad na matugunan ang mga ganitong uri ng reklamo at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas. JAY Reyes