Home OPINION WOW! P11.35-M HALAGA NG PASTA NI VP SARA AT ASAWA?

WOW! P11.35-M HALAGA NG PASTA NI VP SARA AT ASAWA?

3
0

HINDI maliit na halaga ang P11.35 milyon. Kaya nang lumitaw sa impeachment court ang mga tsekeng umano’y ibinayad ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio kay Dr. Lourdes Libosada, kaya naman pamangha ang madlang pipol dahil ang ipinakikita ng pangalawang mataas na opisyal ng pamahalaan ay isang simpleng buhay lang.

Kaya nga, dahil sa pagkakabulgar, nararapat lamang na malinaw at makatwirang paliwanag ang hingin ng mamamayan sa mag-asawa.

Ayon kay Atty. Alexander Cabrera, beteranong forensic financial analyst na tumestigo sa Senado, kabuuang P11.35 milyon ang mga tsekeng umano’y natanggap ni Libosada. Bukod sa pagiging family dentist umano ng pamilya ni VP Sara, sinabi ni Cabrera na business partner din ito ni Carpio sa Cale88, isang kompanyang gumagawa ng banana chips.

Hindi naman sinasabi ng inyong Juan de Sabog na may iregularidad ang mga transaksyong ito. Ngunit kung ang halagang sangkot ay milyon-milyong piso, hindi sapat ang katahimikan o simpleng pagtanggi. Kailangang maipaliwanag kung ano ang pinagmulan ng pera, ano ang layunin ng mga bayad, at kung maayos na naitala at naideklara ang mga ito.

Hindi naman maikaiila na mas mabigat ang usapin dahil iniulat ding umabot sa P817.87 milyon ang kabuuang halagang tinukoy sa pagsusuri ni Cabrera bilang umano’y hindi idineklarang assets, kita at iba pang pinansiyal na interes ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.

Alegasyon pa lamang ang mga ito na dapat masusing siyasatin at patunayan. Pero dapat talagang lumabas ang katotohanan bukod pa sa hindi dapat maliitin ang mga numerong inilatag sa pagdinig.

Sa isang bansang maraming pamilyang nagkukulang sa pagkain, gamot at pambayad sa kuryente, nakagugulat ang ganitong kalalaking halaga na iniuugnay sa mga halal na opisyal.

Hindi kasalanan ang yumaman kung malinis ang pinagmulan ng yaman. Ang problema ay kapag may mga transaksyong hindi malinaw at mga halagang hindi maipaliwanag nang sapat sa taumbayan.

Bilang Bise Presidente, may tungkuling panatilihin ni VP Sara ang tiwala ng publiko. Hindi sapat ang popularidad, apelyido o palaban na pananalita upang mapawi ang mga seryosong tanong.

Kung malinis ang lahat, dapat ilantad ng mag-asawa ang mga dokumento at sagutin ang bawat alegasyon. Ang perang sinusuri ay hindi lamang usapin laban sa mag -asawang Duterte-Carpio—usapin ito ng integridad at tiwala ng sambayanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here