BAGO ang lahat, luma na ang mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan tulad nina Dr. Lance Bunnell, Albert Adriano, Ana Marie Adriano, Violeta Giron, Mary Ann Teng Ang, Dennis Napule, Dra Luz Elento, at Mark Cervantes. Kaya nga, batiin ko na lang kayo ng HAPPY BIRTHDAY!
******
KATATAGAN nga ba ng Senado ang tunay na dahilan ng paglipat ni Senador Mark Villar sa mayorya? Hindi kaya isa itong malinaw na “desperate move” para sa politikong naghahanap ng kanlungan at proteksyon?
Sa kabila ng mabubulaklak na salita ni Senate President Sherwin Gatchalian na kailangan umano ang “husay” ni Villar bilang negosyante at ekonomista, huwag tayong magpaloko. Ang tunay na amoy sa likod ng realignment na ito ay ang takot sa banta ng pananagutan.
Bakit ngayon lang? Bakit kung kailan umuusad ang maiinit na imbestigasyon at mga kasong maaaring tumama sa pamilya Villar sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Sa mata ng mamamayan, ang hakbang na ito ay hindi serbisyo kundi panlalait sa hustisya. Sa halip na manindigan at harapin ang mga alegasyon sa minorya, pinili niyang kumapit sa palda ng mayorya upang makaiwas sa posibleng pagkakakulong.
Huwag din nating kalimutan ang epekto nito sa matematika ng kapangyarihan. Sa pagbalimbing ni Villar, umabot sa magic 14 ang bilang ng mayorya—ang eksaktong dami ng boto na kinakailangan upang kontrolin ang mahahalagang desisyon sa Senado, lalo na sa papalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Nagiging pawn at protektor ang isang senador kapalit ng sarili niyang pampulitikang kaligtasan.
Ang Senado ay hindi dapat maging kulungan ng mga duwag o kanlungan ng mga politikong ginagawang pambayad-utang ang kanilang posisyon. Ang pagpapalit ng kampo ay maaaring magbigay kay Villar ng pansamantalang proteksyon at karagdagang boto sa mayorya, ngunit kailanman ay hindi nito mabubura ang mga kasalanan at tanong na ibinabato sa kanyang pamilya.
Panahon na para gumising ang publiko. Ang lipat-blok na ito ay hindi para sa bayan—ito ay para lamang sa sariling kapakanan at proteksyon ng isang Villar na takot humarap sa katarungan!






