Home NATIONWIDE Sariling records ni VP Sara, Carpio ‘di sinuri sa P817M “unexplained wealth”...

Sariling records ni VP Sara, Carpio ‘di sinuri sa P817M “unexplained wealth” report — saksi

2
0

MANILA, Philippines – Inamin ng expert witness ng prosecution nitong Lunes, Oktubre 12, na ang report nito na nagsasabing may P817 milyon na hindi maipaliwanag na yaman si Vice President Sara Duterte, at ito ay batay lamang sa mga available na dokumento.

Sa kanyang testimonya sa impeachment court, sinabi ni Atty. Alexander Cabrera na hindi kasama rito ang mga record mula sa bise presidente at sa asawa nitong si Atty. Manases Carpio.

Iniharap si Cabrera, kilalang forensic financial analyst, noong nakaraang linggo hinggil sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na nag-aakusa sa pag-iipon ng unexplained wealth, hindi pagdeklara ng lahat ng ari-arian, at divestment kanyang mga business interest, alinsunod sa itinakda ng batas.

Sa pagbabalik ni Cabrera sa witness stand para sa cross-examination ng depensa, tinanong siya kung paano niya nakuha ang P817 milyon na sinasabing hindi idineklarang yaman ng bise presidente mula 2022 hanggang 2025, o sa unang apat na taon niya sa pwesto.

“As the appointed forensic auditor of the panel of prosecutors, it is your opinion, sir, that the spouses Carpio had an undeclared wealth of 817.8 million as of 2025, correct?” tanong ni defense counsel Kristine Ferrer.

Nang sumagot ng “oo” si Cabrera, sinundan ito ni Ferrer ng tanong kung batay ba ang figure sa mga dokumentong ibinigay sa kanya ng prosecution.

“Yes,” sagot muli ng saksi.

Itinuro din ni Ferrer na ang report ng eksperto ay binubuo ng dalawang bahagi: ang hindi idineklarang assets at hindi idineklarang income ng mag-asawa. Nang muling sumang-ayon si Cabrera, tinanong siya:

“So, your report does not contain any undeclared liabilities?”

“None,” sagot ni Cabrera.

Tinanong din ni Ferrer kung nagsuri o gumamit ba ang saksi ng anumang dokumento mula kay Duterte at Carpio.

Ipinaliwanag ni Cabrera na sinubukan nilang hanapin ang mga dokumento sa sagot ng mag-asawa sa impeachment complaint pero wala silang nakita.

“So, that is a yes. You did not use any document coming from the respondent and her spouse?” diin ni Ferrer.

“Had there been, I would have used it,” sagot ng saksi.

Tinanong din kung kinausap ba niya ang mag-asawa o ang kanilang accountant o auditor. Sinabi ni Cabrera na batay lang sa dokumento ang kanyang report.

Sa tanong kung isinama ba niya ang mga bank document na nasa pangangalaga ng bise presidente, sinabi ng saksi na ang mga bank record na available lang sa kanila ang sinuri niya.

“If they have other bank documents, I am not aware of them,” ani Cabrera. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here