MANILA, Philippines – DAHIL sa umano’y problema at panganib na dulot nito sa mga residente, posibleng ipagbawal na ang operasyon ng lahat ng container yard bago matapos ang taon sa Lungsod ng Valenzuela.
Sa isinagawang pakikipagpulong ni Mayor Wes Gatchalian sa mga apektadong residente at kinatawan ng mga kompanyang nagmamay-ari ng container yard sa Barangay Paso De Blas, inilahad ang mga peligrong dulot ng umaabot sa walong patong na container na delikado sa mga residente, pati na ang ingay na likha nito, at pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Matapos ang talakayan, tatlong utos ang inilabas ng alkalde sa mga kinatawan ng container yard kabilang ang paglalayo ng mga nakasalansang container sa mga kabahayan at paligid ng komunidad, hindi na papayagan ang pagpapatong-patong ng lampas sa limang ulit ang mga container, at dapat ay sa gitnang bahagi lamang ng compound ito ilagay.
Sinabi ni Mayor Gatchalian na hindi rito natatapos ang gagawing aksiyon ng lokal na pamahalaan dahil kasalukuyan na aniyang nagsasagawa ng pampublikong pagdinig ang Sangguniang Panlungsod para sa pagpapasa ng ordinansa na tuluyang magbabawal sa pagkakaroon ng container yard sa lungsod.
Umaasa ang alkalde na sa Disyembre ay maipapasa na ang ordinansa na layong mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya at buong komunidad sa lungsod na prayoridad ng lokal na pamahalaan. Merly Duero