MANILA, Philippines – Binanggit ni forensic accounting expert Alexander Cabrera, testigo ng prosekusyon, ang posibleng kaso ng money laundering, tax evasion at underreporting ng kita sa tatlong kompanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa ika-38 araw ng impeachment trial, sinabi ni Cabrera kay Senator-Judge Raffy Tulfo na may kuwestiyonableng transaksiyon at agwat sa pagitan ng iniulat na kita at aktuwal na cash flow ang mga rekord ng Cale88 Foods Corp., GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp.
Iniuugnay ang Cale88 kay Carpio. Si Duterte naman ay may 20 porsiyentong bahagi sa Metro City Chow at naging miyembro ng board nito. May 20 porsiyentong bahagi rin siya sa GenCorp, na may mga Jollibee franchise.
Tinanong ni Tulfo kung bakit patuloy ang operasyon ng Cale88 kahit paulit-ulit itong nag-ulat ng lugi, habang tumatanggap ng daan-daang milyong pisong remittance mula sa ibang bansa.
“Ang pagpasok ng pera at paglabas ng pera na hindi naman nagagamit ng negosyo yung pera ay sintomas po ng money laundering,” sagot ni Cabrera.
“Pero hindi ko po sinasabing conclusive po na may money laundering pong nangyayari,” paglilinaw nito.
Ayon sa mga naunang rekord ng prosekusyon, nakatanggap ang Cale88 ng humigit-kumulang P319.33 milyong inward remittance mula sa mainland China at Hong Kong.
Binanggit din ni Cabrera na walang naitalang imbentaryo ng raw material ang Cale88 at kulang ang property, plant and equipment nito para sa iniulat na operasyon ng banana chips. Maaari umanong i-outsource ang pagmamanupaktura, pero wala silang nakitang rekord ng ganitong kasunduan.
Tinanong ni Tulfo kung paano nakakuha ang GenCorp ng maraming Jollibee franchise gayong humigit-kumulang P1.2 milyon lamang ang paid-up capital nito at katamtaman ang iniulat na kita.
Ani Cabrera, hindi bababa sa P35 milyon ang kailangang puhunan sa isang franchise.
“Unrecorded transactions, may unrecorded cash flow po talaga,” sagot ni Cabrera.
Ayon sa kanya, hindi sapat na sumasalamin ang financial statement ng kompanya sa kapital na kailangan sa operasyon nito, kaya may tanong sa pinagmulan ng pondo sa pagpapalawak.
Nang tanungin ni Tulfo kung bakit hindi iuulat ng isang kompanya ang tamang cash flow nito, sagot ni Cabrera: “Pagka hindi po kayo nagre-report, hindi n’yo po nire-report ‘yon para—pinaka-basic po doon para bumaba po ‘yung babayaran n’yong tax.”
“So tax evasion?” tanong ni Tulfo.
“Opo,” sagot ni Cabrera.
Ayon kay Cabrera, may kaparehong pattern ang Metro City Chow, na ang bank deposit ay palaging mas mataas kaysa sa restaurant collection na makikita sa audited financial statement nito.
“Pareho po ng GenCorp, pareho po ng Cale88 po, underreporting po ‘yan ng revenue,” sabi ni Cabrera.
Tinanong ni Tulfo kung saan galing ang karagdagang deposito kung wala ito sa iniulat na benta.
Ayon kay Cabrera, nagpapahiwatig ang mga agwat ng hindi naiulat na kita, pero hindi sapat ang mga rekord para matukoy kung benta ang lahat ng sobrang deposito o galing sa ibang pinagmulan.
Nang tanungin kung karaniwan ba ang ganitong agwat sa negosyo, sagot ni Cabrera: “Not at this amounts po. Nangyayari, pero not at this amounts po.”
Tinanong din ni Tulfo kung bakit tila hindi natukoy ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang agwat sa Metro City Chow. Sinabi ni Cabrera na wala siyang impormasyon kung paano hinawakan ng ahensiya ang mga rekord ng kompanya o kung nagsagawa ito ng imbestigasyon.
Bahagi ang tatlong kompanya ng forensic examination ni Cabrera, na tumukoy ng P817.87 milyong unexplained wealth nina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025. Bahagi ang kanyang mga natuklasan ng ebidensiya ng prosekusyon sa Article II ng impeachment complaint. Gail Mendoza