REINA MERCEDES, Isabela – Inilabas ni Vice Mayor Atty. Harold Respicio ang listahan ng mga proyektong pinaniniwalaan niyang hindi napakinabangan ng publiko sa kabila ng malaking pondong inilaan mula sa tobacco excise tax sa kanilang bayan sa Reina Mercedes, Isabela.
Inusisa at ininspeksyon ni VM Respicio kabilang sa mga pinagkukuwestiyon niyang proyekto ang itinatayong Lagoon Park sa harap ng munisipyo na may alokasyong aabot sa P30 milyon, at ang ilang farm-to-market road na aniya ay hindi pa nararamdaman ng mga magsasaka ng tabako sa kanilang bayan.
Bukod dito, binanggit din ni VM Respicio ang bagong tayong transport terminal na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nag-ooperate, gayundin ang coliseum at ang pampublikong palengke na umano’y kakaunti lamang ang umuupa lalo na sa likurang bahagi ng pasilidad, at ang isang tulay na may nakikitang pinsala ngunit hindi pa umano naisasailalim sa pagkukumpuni.
Matandaan na nag-ugat ang pagbubunyag ng bise alkalde sa naging deliberasyon ng Sangguniang Bayan (SB) hinggil sa tamang paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax, na ayon sa batas ay nakalaan para sa mga programa at proyektong direktang makikinabang ang mga magsasaka ng tabako sa mga tobacco producing areas tulad ng Reina Mercedes.
Sa naunang sesyon ng konseho, kinuwestiyon din ni Respicio ang isang barangay health station sa Barangay Banquero na may nakalaang humigit-kumulang P5 milyon na hindi pa nasisimulan ang konstruksyon sa kabila ng pagkakaroon na ng pondo.
Kaugnay nito, nagbigay ng pahayag si Presidential Communications Office Usec Claire Castro kung saan hinamon nito si Vice Mayor Respicio na magsampa ng pormal na reklamo at isumite ang lahat ng ebidensya sa Office of the Ombudsman o sa Department of Justice kung may sapat na batayan ang kanyang mga alegasyon.
Binigyang-diin ni Castro na mahalagang mapatunayan sa pamamagitan ng dokumento at beripikasyon ang mga ibinabato na paratang upang matukoy kung mayroong pananagutan ang sinumang opisyal na sangkot sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng proyekto.
Itinuturing umano ni Respicio na ghost o substandard project ang kanyang itinampok sa kanyang social media account.
Samanatala, hiniling nito kay Mayor Malou Respicio-Saguban at kay Isabela Gov. Rodito Albano na taasan ang cash assistance sa halagang P45,000 hanggang P60,000 na direktang mapapakinabangan ng mga magsasaka ng tabako na hindi sa mga proyektong hindi umano nakikinabangan na ghost o substandard project. REY VELASCO