Home NATIONWIDE P696.7M benepisyo ipamamahagi sa 333,258 Manilenyo ngayong Oktubre

P696.7M benepisyo ipamamahagi sa 333,258 Manilenyo ngayong Oktubre

3
0

MANILA — Aabot sa ₱696.7 milyon ang ipamamahaging pinansiyal na tulong ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mahigit 333,000 benepisyaryo ngayong Oktubre bilang bahagi ng ikatlong quarter ng Social Amelioration Program.

Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pamamahagi sa kanyang Talk to the People Facebook Live noong Oktubre 12, at hinimok ang mga residente na ipaalam ang iskedyul sa kanilang mga pamilya at komunidad.

Ayon kay Domagoso, nasa 333,258 indibidwal ang makatatanggap ng kabuuang ₱696,707,920 na tulong pinansiyal. Hinati sa tatlong panahon ang pamamahagi upang maayos na mapaglingkuran ang dami ng mga benepisyaryo.

Aniya sa unang bugso mula Oktubre 12 hanggang 15, nakalaan ang ₱209.11 milyon para sa 31,180 benepisyaryo at dalawang institusyon. Kabilang dito ang mga tauhan ng Manila Police District at Manila Fire Department, mga Grade 12 student at guro ng Division of City Schools, mga estudyante ng Universidad de Manila, at mga subsidiya para sa E.A.R.I.S.T. at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Sa ikalawang bugso mula Oktubre 19 hanggang 23, ipamamahagi naman ang ₱26.7 milyon para sa 8,295 benepisyaryo, kabilang ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at mga estudyante ng PLM na tatanggap ng allowance.

Nabatid na ang pinakamalaking bahagi ng ayuda ang ilalabas mula Oktubre 28 hanggang 30, na nagkakahalaga ng ₱460.89 milyon para sa 293,783 benepisyaryo.

Kabilang dito ang 12,118 menor de edad na persons with disabilities (PWDs), 51,916 adult PWDs, 16,177 solo parent at 213,572 senior citizen.

Batay sa iskedyul, Oktubre 28 ang payout para sa Districts 1 at 2; Oktubre 29 para sa Districts 3 at 4; at Oktubre 30 para sa Districts 5 at 6.

Ipagkakaloob sa mga barangay chairman at treasurer ang mga iskedyul ng cash-out para sa allowance ng senior citizens, solo parents at PWDs upang maipabatid ito sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Sinabi ni Domagoso na magpapatuloy ang pamumuhunan ng lungsod sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo, kabilang ang pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho, kasabay ng pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Hinikayat naman ng alkalde ang mga benepisyaryo na alamin ang tamang petsa ng kanilang payout sa kani-kanilang barangay upang maging maayos ang pagtanggap ng tulong. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here