Home LIFESTYLE HEALTH Kaso ng dengue sa Northern Samar, dumoble

Kaso ng dengue sa Northern Samar, dumoble

3
0

NORTHERN SAMAR, Philippines – Mahigit doble na ang kaso ng dengue sa Northern Samar ngayong 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong 2025, kaya iniutos ni Gov. Harris Ongchuan ang pagpapalakas ng pagbabantay, pagpuksa sa mga lamok at kampanya sa publiko upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) sa Provincial Health Board (PHB), umabot na sa 966 ang kaso ng dengue ngayong 2026, kumpara sa 447 noong 2025.

Ayon kay Nick Andrew Cardenas ng DOH-Northern Samar, tumaas nang malaki ang mga kaso mula unang linggo ng Hulyo hanggang ikatlo at ikaapat na linggo ng Setyembre, kung kailan umabot sa 111 ang naitalang kaso sa loob lamang ng isang linggo.

Dahil dito, hinikayat ng mga opisyal ng kalusugan ang publiko na magpakonsulta agad at magpagamot sa tamang oras upang maiwasan ang malubhang dengue at pagkamatay.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa Lavezares na may 197, kasunod ang Catarman na may 163, Allen na may 130, Laoang na may 100 at San Antonio na may 70. May mga kaso rin sa iba pang bayan ng lalawigan.

Bilang tugon, sinuportahan ni Ongchuan, na namumuno sa PHB, ang mga hakbang na kinabibilangan ng paglilinis at pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok, fogging o misting sa mga apektadong lugar alinsunod sa 1-3-7 strategy, at targeted indoor residual spraying sa mga natukoy na lugar.

Inirekomenda rin ang mas pinaigting na information campaign at larval survey upang matukoy ang mga posibleng pamugaran ng lamok. Pinayuhan ang lalawigan at mga munisipalidad na palakasin ang pagsubaybay at agarang pag-uulat ng mga kaso upang mabilis na maipatupad ang mga hakbang laban sa dengue.

Nanawagan si Ongchuan sa mga residente na makiisa sa pagpigil sa pagkalat ng sakit. Pinayuhan din ang publiko na regular na suriin ang paligid, alisin ang naipong tubig at iba pang posibleng pamugaran ng lamok, at agad magpatingin kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here