Home NATIONWIDE Contempt case vs Sotto ibinasura ng SC

Contempt case vs Sotto ibinasura ng SC

1
0

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang petisyon para sa indirect contempt laban kay Senador Vicente “Tito” Sotto III kaugnay ng kanyang pagpuna sa desisyon ng Korte sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte. Binigyang-diin ng SC na may pinakamataas na proteksiyong konstitusyonal ang malayang pananalita, lalo na sa mga usaping pulitikal.

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, sinabi ng SC En Banc na hindi umabot sa indirect contempt ang mga pahayag ni Sotto matapos ilabas ang desisyon sa Duterte v. House of Representatives.

Kinuwestiyon ni Sotto ang ruling at sinabi niyang tila hindi pamilyar ang ponente sa mga patakaran ng Kongreso at tila inamyendahan ang Konstitusyon. Dahil dito, hiniling ni Atty. Manuelito Delos Reyes Luna at iba pa na i-contempt ang senador dahil umano sa kawalan ng respeto sa Korte at posibleng pagkasira ng tiwala ng publiko sa Hudikatura.

Ayon sa SC, tulad ng ibang sangay ng pamahalaan, bukas sa pagsusuri at pagpuna ng publiko ang Hudikatura. Sa ilalim ng doktrina ng fair comment, protektado ang mga pahayag tungkol sa mga opisyal ng pamahalaan at sa kanilang pagganap sa tungkulin, kahit mali, matindi o nakasasakit ang mga ito.

Dahil itinuturing na political speech ang mga pahayag ni Sotto, ginamit ng Korte ang incitement test, na sumusuri kung sadyang hinihikayat ng isang pahayag ang publiko na mawalan ng tiwala sa Hudikatura o hadlangan ang hustisya, at kung may posibilidad at panganib na mangyari ito. Wala umanong ganitong banta sa mga sinabi ng senador. Kahit sa ilalim ng clear and present danger test, walang “clear and present danger of a substantive evil.”

Kinilala ng SC na mas mabilis kumalat ang mga pahayag dahil sa social media at algorithms, ngunit nananatiling protektado ang mga mapanukso o matitinding pahayag. Wala rin umanong karahasang nagresulta sa mga sinabi ni Sotto.

Isinaalang-alang din ng Korte na bilang public official, malawak ang naaabot ng mga pahayag ng senador. Gayunman, karamihan sa mga ito ay tugon lamang sa mga tanong ng media.

“Walang patunay na intensyon niyang udyukan ang publiko na mawalan ng tiwala sa independence ng Judiciary. Walang senyales ng bad faith o malisya.”

Nagbabala ang SC na ang pagpaparusa sa hindi pagsang-ayon sa desisyon ng korte ay maaaring humantong sa “undue stifling of the ordinary exercise of free expression.” Binigyang-diin nitong dapat malayang talakayin ang mga usapin sa impeachment, kahit may kasamang pagpuna sa Korte, nang walang takot sa parusa.

Sinabi rin ng SC na hindi maiiwasan ang hindi pagsang-ayon sa mga desisyon nito at hindi dapat gamitin ang kapangyarihang magparusa sa contempt upang patahimikin ang mga kritiko.

“The Court regards Senator Tito Sotto with the greatest respect and understands his frustration with some of our Decisions, or even with one member of the Court. Courts must be receptive to all forms of criticisms.”

Kasabay nito, nanawagan ang Korte ng paggalang sa isa’t isa sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan at hinikayat ang pagpuna nang may hinahon at respeto.

“Democracy is founded on respect,” pagtatapos ng Korte. “With this decision, we double down not only on freedom of expression but on full respect for the respondent.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here