MANILA, Philippines – Magpapatupad ng mas mahigpit na patakaran sa paggastos ang Department of Budget and Management (DBM) upang maiwasan ang umano’y pagdaraos ng ilang ahensya ng gobyerno ng mga party sa hotel na ipinapakitang mga planning session tuwing ikaapat na quarter para lamang maubos ang kanilang badyet at mapataas ang budget utilization rate.
Sa kanyang pagdalo sa 58th Annual Conference ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) noong Oktubre 9, nagpahayag ng pangamba si DBM Acting Secretary Kim De Leon sa nakagawiang pagsasagawa ng ilang tanggapan ng mga aktibidad habang papalapit ang pagtatapos ng fiscal year, na umano’y pangunahing layuning mapataas ang kanilang paggamit ng badyet.
Ayon kay De Leon, maglalabas ang DBM ng mga bagong patakaran upang maiwasan ang kuwestiyonableng paggastos ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin niya na hindi sapat na sukatan ng mahusay na pamamahala ang 98 porsiyentong budget utilization rate. Mas mahalaga umanong malaman kung saan napunta ang pera at kung may tunay itong pakinabang sa mamamayan.
Giit ng kalihim, dapat nakatuon ang paggastos ng pamahalaan sa kalidad ng mga proyekto at serbisyong naibibigay sa publiko, sa halip na sa laki lamang ng nagastos.
Nanawagan din siya sa mga ahensya na gamitin ang pondo ng bayan nang matalino, para lamang sa mga kinakailangang gastusin at sa kapakinabangan ng mamamayan, hindi para sa luho. Jocelyn Tabangcura-Domenden