MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Bam Aquino sa lahat government lending at financial institutions na isuspinde muna ang paniningil sa interes ng pautang ng maliliit na negosyo, online sellers, at manggagawa mula Enero 2027 hanggang Marso 2027 upang matulungan silang makayanan ang anumang epekto ng “Super El Niño”.
Makararanas ang bansa ng mas mababang antas ng pag-ulan kaysa karaniwan, dry spells, at tagtuyot sa iba’t ibang lugar, habang inaasahang tatama ang matinding epekto ng “Super El Niño” mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang sa unang quarter ng 2027.
Ayon kay Aquino, maaaring makatulong ang mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Small Business Corporation (SB Corp), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), na maibsan ang pinansyal na pasanin ng nangungutang habang hinaharap ng bansa ang epekto ng “Super El Niño.”
“Ngayong inaasahang magreresulta ang Super El Niño sa pagtaas ng presyo ng bilihin, kuryente, produktong petrolyo, at iba pang mahalagang bilihin, tiyak na tatamaan ang kita at kabuhayan ng ating maliliit na negosyante, manggagawa, at ordinaryong Pilipino,” ani Aquino.
“Malaking tulong sa maaapektuhang sektor kung hindi maniningil ng interest ang gobyerno ang kanilang mga pautang hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon,” dagdag niya.
Sinabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na maaaring pansamantalang ihinto ng SB Corp ang paniningil ng interes sa mga pautang upang maibsan ang pasanin ng mga may-ari ng maliliit na negosyo at online sellers na maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga gastusin sa operasyon dulot ng naturang weather phenomenon.
“Magkakaroon ng kailangang espasyo ang ating maliliit na negosyo para mapanatili ang kanilang operasyon at maprotektahan ang kabuhayan ng kanilang mga manggagawa sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng bilihin,” wika niya.
Hinimok din ni Aquino ang iba pang government lending at financial institutions, kabilang ang SSS, Pag-IBIG Fund, at GSIS, na isaalang-alang ang pagpapatupad ng kaparehong mga hakbang para maibsan ang pasanin ng mga nangungutang, partikular ang mga ordinaryong manggagawa at middle class, na maaaring mahirapang bayaran ang kanilang mga obligasyon sa pautang dahil sa tumataas na halaga ng pamumuhay.
“Kung pansamantalang ititigil ang pagpataw ng interes sa kanilang mga loan, mabibigyan natin ng ginhawa ang ating mga manggagawa at middle class para may dagdag na pantustos sila para sa pangangailangan ng pamilya sa harap ng mataas na presyo ng bilihin,” sabi niya.
Nauna nang hiniling ni Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling ipatawag ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matiyak ang iisa at epektibo ang pagkilos at paghahanda ng pamahalaan sa posibleng epekto ng “Super El Niño.”
Ang PROTECT Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay binuo ng Senado noong Marso 2026 upang magbalangkas ng mga pagkilos na tutugon sa epekto ng kaguluhan sa Middle East sa supply ng langis at ekonomiya ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Aquino ang agarang pangangailangan para sa koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa kanilang paghahanda at pagtugon, gayundin ang pagpapatupad ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, seguridad sa pagkain, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at iba pang mahahalagang serbisyo. Ernie Reyes