MANILA, Philippines – Muling tinipon, ngayong umaga ng Martes ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan upang talakayin ang mga paghahanda laban sa El Niño.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nauna nang tinipon ng Pangulo noong nakaraang linggo ang mga ahensiya na nakabantay laban sa El Niño .
Partikular aniya na nakatuon si Pangulong Marcos sa mga paraan kung paano maiibsan ang epekto ng tagtuyot sa usapin ng food at water supply at sa enerhiya.
Present aniya sa naturang meeting ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan natalakay ang mga hakbang sa sektor ng agrikultura.
Samantalang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang National Irrigation Administration, Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Local Water Utilities Administration, tinutukan ang mga epektibong hakbang sa water management at irrigation.
Ani Castro, ang Department of Energy (DOE) ay nakatutok sa energy and fuel supply, samantalang ang Presidential Communications Office (PCO) ay nakabantay sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon hinggil sa tagtuyot katuwang ang mga attached agencies nito.
“Walang dapat ipangamba ang ating mga kababayan — the government is on top of the situation, handa at nakabantay po tayo rito. Handa man ang pamahalaan, kailangan pa rin po ang pagtutulungan ng bawat isa,” ani Castro.
“Sa nagpapatuloy na meeting ngayong umaga, binigyang-diin ng Pangulo na kinakailangang mas palakasin pa ng pamahalaan kung ano na ang mga nakalatag na mga hakbang sa tagtuyot. Ngayon, nakatutok ang pamahalaan na masiguro na handa ang mga ospital, mga dam, at mga sakahan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)