Home METRO P700M bigas mula Vietnam, nasabat sa Davao; mga permit, kinansela

P700M bigas mula Vietnam, nasabat sa Davao; mga permit, kinansela

3
0

MANILA, Philippines – Tinatayang ₱700 milyong halaga ng bigas mula Vietnam ang naharang ng Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA) at Philippine Navy matapos madiskubreng may kuwestiyonableng dokumento at kanseladong sanitary at phytosanitary permits ang dalawang cargo vessel na dumating sa Davao City.

Aabot sa 20,000 metric tons ng bigas ang sakay ng MV Tay Son 2 at MV Lucky Star na naharang noong Setyembre 17 at 21, 2026.

May kargang 12,500 metric tons ng bigas ang MV Tay Son 2, habang 7,500 metric tons naman ang laman ng MV Lucky Star.

Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, mahalaga ang koordinasyon ng mga ahensya upang mapigilan ang posibleng agricultural smuggling at maprotektahan ang lokal na sektor ng agrikultura.

Personal umanong nakausap ng senador sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na nagkumpirma sa pagkakaharang ng dalawang barko at patuloy na pagsubaybay sa kaso.

Batay sa presyo sa pandaigdigang merkado, tinatayang nasa ₱700 milyon ang halaga ng kargamento, na posibleng sangkot sa paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.

Layunin ng nasabing batas na labanan ang malawakang smuggling at iba pang ilegal na gawain na nakapipinsala sa sektor ng agrikultura.

Samantala, iginiit ni Nepomuceno na paiigtingin pa ng BOC ang pagbabantay sa mga pantalan upang matiyak na sumusunod sa batas ang pagpasok ng mga produktong agrikultural sa bansa.

Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa DA at Philippine Navy upang matukoy at mapigilan ang mga tangkang paglabag sa mga regulasyon sa pag-aangkat.

Ayon sa BOC, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya laban sa agricultural smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang lokal na agrikultura at sa Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ng ahensya.

Patuloy na tututukan ng mga kinauukulang ahensya ang kaso upang matukoy ang mga responsable at matiyak na mapapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here