MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Robinhood Padilla ng panukalang batas na magtatatag ng programang pagkilala para sa mga halal at itinalagang opisyal ng pamahalaan na boluntaryong sumasailalim sa drug testing.
Layunin ng Senate Bill No. 2541 o “Gawad Integridad Kontra Droga Recognition Act” na gawing pormal ang naturang pagkilala sa ilalim ng Civil Service Commission (CSC).
Ayon kay Padilla sa paliwanag ng panukala na inihain nitong Lunes, layunin nitong hikayatin ang boluntaryong pagsunod at ipakita na maaaring magsimula ang pananagutan sa serbisyo publiko bago pa ito maging legal na obligasyon.
Ilang araw bago ihain ang panukala, ibinahagi ni Padilla sa Facebook ang kaniyang negatibong resulta sa drug test at hinikayat ang kaniyang mga kapwa opisyal na sumailalim din sa pagsusuri.
Ayon sa senador, maaaring mapalakas ang tiwala ng publiko sa pamahalaan kung boluntaryong sumasailalim ang mga opisyal sa mga hakbang na nagtataguyod ng transparency, accountability, at integridad.
Gayunman, nilinaw sa panukala na ang pagkilala ay hindi patunay na habambuhay nang malaya sa ilegal na droga ang isang opisyal o isang medikal na sertipikasyon ng kaniyang kalusugan. Hindi rin ito nangangahulugang kwalipikado na siyang humawak ng puwesto sa gobyerno, hindi siya saklaw ng mandatory drug testing sa ilalim ng umiiral na batas, o maaari itong gamiting patunay ng kaniyang pangkalahatang pagkatao at pagiging angkop sa tungkulin.
Para makakuha ng pagkilala, kailangang magsumite ang aplikante sa CSC ng aplikasyon at sertipikasyon mula sa pasilidad na kinikilala ng Department of Health (DOH) na nagpapatunay na nakumpleto niya ang kinakailangang drug test.
Kailangan ding magpakita ng negatibong resulta mula sa pagsusuri sa ihi, dugo, at hair follicle; sinumpaang salaysay na nagsasaad na hindi ginamit ang pondo ng bayan sa pagbabayad ng test; at iba pang dokumentong maaaring hingin ng CSC. RNT/MDS