Home NATIONWIDE VP Sara sa pag-urong sa bribery charge: walang ebidensiya lahat ng kanilang...

VP Sara sa pag-urong sa bribery charge: walang ebidensiya lahat ng kanilang akusasyon

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na ang pag-urong ng kasong bribery laban sa kaniya sa impeachment trial ay nagpapakita umano na walang sapat na ebidensiya ang prosekusyon laban sa kaniya.

“Yung pag-drop ng bribery charge sa impeachment, ito ‘yung sinasabi namin sa simula pa lang na, doon pa lang sa House of Representatives, the moment they filed, the groups filed the impeachment complaint, na walang ebidensiya lahat ng kanilang akusasyon,” pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag.

Ayon sa bise presidente, layunin lamang umano ng prosekusyon na mapatalsik siya sa puwesto.

“Dahil wala silang ebidensiya, ngayon na wala silang ebidensiya, kailangan na nila i-drop o hindi talakayin. Lumalabas na parang accountability kuno, paninira, todo-todong, araw-araw na paninira. Suwerte na kung matanggal si Sara Duterte,” dagdag niya.

Noong Biyernes, inalis ng House prosecution panel ang bribery charge upang masunod ang iskedyul nito sa paglalahad ng mga ebidensiya, ayon kay Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores.

Sa Article III ng impeachment complaint, inakusahan si Duterte ng panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education noong kalihim pa siya nito mula 2022 hanggang 2024.

Noong Sabado, sinabi ng prosekusyon na pinag-iisipan nitong i-refer sa Department of Justice at Office of the Ombudsman ang mga alegasyon ng panunuhol para sa posibleng kasong kriminal.

Ilang oras matapos ang pahayag ni Duterte nitong Martes, iniurong din ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na impeachment article laban sa bise presidente. Sinabi nitong itutuloy na lamang ang kaso sa Article II, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman dahil sa hindi ganap na deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa negosyo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here