Home NATIONWIDE Pope Leo XIV, may lung cancer; matagumpay na naoperahan — Vatican

Pope Leo XIV, may lung cancer; matagumpay na naoperahan — Vatican

6
0

MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Vatican na may lung cancer si Pope Leo XIV matapos sumailalim sa matagumpay na operasyon upang alisin ang bahagi ng kanyang kanang baga sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy, nitong Martes, Oktubre 13.

Ayon sa opisyal na medical bulletin ng Vatican, natukoy sa isinagawang tissue examination habang inooperahan ang 71-anyos na Santo Papa na mayroon siyang lung adenocarcinoma, isang uri ng cancer sa baga.

Nauna nang nakita ng mga doktor ang isang maliit na bukol sa baga ng Santo Papa sa isinagawang routine medical examination.

Sinabi nina Dr. Luigi Carbone, personal physician ng Papa, at Prof. Stefano Margaritora, nanguna sa operasyon, na inalis ang lower lobe o ibabang bahagi ng kanang baga gamit ang video-assisted surgical technique.

Tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto ang aktuwal na operasyon at natapos ito nang walang komplikasyon.

Ayon sa Vatican, normal na nagkamalay ang Santo Papa matapos ang operasyon at nakabalik na sa kanyang silid sa ospital upang magpahinga at magpagaling.

Gayunman, hindi pa inilalabas ng Vatican ang eksaktong stage ng cancer at kung kumalat na ito sa ibang bahagi ng katawan.

Mahalaga ang mga impormasyong ito upang matukoy kung kakailanganin pa ng Santo Papa ng karagdagang paggamot.

Inaasahang mananatili si Pope Leo XIV sa ospital nang humigit-kumulang isang linggo para sa kanyang paggaling.

Kinansela na rin ang kanyang mga nakatakdang public audience hanggang Oktubre 20.

Samantala, hindi pa malinaw kung matutuloy ang nakatakda niyang 11-araw na pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17.

Si Pope Leo XIV, na ipinanganak bilang Robert Francis Prevost sa Chicago, United States, ang unang Amerikanong nahalal bilang Santo Papa noong Mayo 2025.

Nagsilbi rin siya nang maraming taon bilang misyonero at obispo sa Peru bago nahalal na pinuno ng Simbahang Katolika. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here