Home NATIONWIDE Pabuya sa pagtukoy sa Albay broadcaster killers, alok ni Salceda

Pabuya sa pagtukoy sa Albay broadcaster killers, alok ni Salceda

3
0

MANILA, Philippines – NAG-ALOK ng pabuya si Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Secretary Joey Salceda sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagtukoy at pagdakip sa mga responsable sa pagpatay sa broadcaster na si Adrian Nacion Loterte, kilala bilang “Golden Boy,” sa Daraga, Albay.

Sa pahayag nitong Martes, Oktubre 13, hiniling ni Salceda sa Philippine National Police (PNP) na tiyaking hindi lamang ang mga direktang responsable sa pamamaril ang mapapanagot kundi maging ang mga posibleng nagplano o nag-utos ng krimen.

Samantala, sinabi ni Police Regional Office 5 (PRO-5) Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio na huling natunton sa Camalig, Albay ang galaw ng mga suspek batay sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang CCTV footage upang matukoy ang dinaanang ruta, mga lugar na pinaghintuan at posibleng pinagtaguan ng mga salarin.

Inatasan din ni Silvio ang Special Investigation Task Group (SITG) na magsagawa ng tuloy-tuloy na operasyon at magsumite ng araw-araw na ulat tungkol sa progreso ng imbestigasyon.
Nauna rito, binaril si Loterte noong Lunes ng hapon, Oktubre 12, habang nasa kanyang panaderya sa Barangay San Roque, Daraga.

Tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril.

Iniutos naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing pangangalap at pangangalaga sa mga ebidensya upang matukoy ang mga responsable at maihain ang kaukulang kaso.

Patuloy ding iniimbestigahan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang insidente.

Ayon sa National Press Club (NPC), nangyari ang pamamaril matapos batikusin ni Loterte sa kanyang programa ang umano’y paglaganap ng ilegal na online gambling sa Camalig.

Gayunman, hindi pa kumpirmado kung may kaugnayan ang kanyang trabaho at mga komentaryo sa motibo ng pagpatay.

Nanawagan naman ang mga organisasyon ng mamamahayag sa mabilis at patas na imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang biktima. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here