MANILA, Philippines – DALAWANG bahay ang iniulat na nadamay sa sunog na sumiklab sa pagawaan ng armas at bala ng ARMSCOR sa Barangay Fortune, Marikina City, nitong Martes ng gabi, Oktubre 13.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog habang nakarinig ng mga pagsabog mula sa loob ng pasilidad ang mga rumespondeng awtoridad.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, dalawang bahay sa paligid ng compound ang nadamay sa insidente.
Kinumpirma naman ni Marikina Mayor Maan Teodoro na tuluyang naapula ang apoy bandang alas-12:41 ng madaling araw nitong Miyerkules, Oktubre 14.
Nauna nang ipinag-utos ng alkalde sa mga emergency responder na pigilan ang pagkalat ng apoy sa mga kalapit na residential area.
Nakaantabay din ang City Social Welfare and Development Office upang matugunan ang pangangailangan ng mga posibleng naapektuhan.
Wala pang naiulat na nasawi o nasugatan hanggang Miyerkules ng umaga.
Hindi ito ang unang insidente sa naturang pasilidad. Noong Pebrero 29, 2024, nasunog din ang bahagi ng ARMSCOR compound na nagdulot ng tinatayang P14 milyong pinsala at ikinasugat ng apat na indibidwal.
Noong Hulyo 2025, dalawang empleyado naman ang nasawi sa isang pagsabog sa pasilidad, dahilan upang magpatupad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng pansamantalang work stoppage order sa apektadong departamento habang iniimbestigahan ang insidente.
Samantala, patuloy pang inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng pinakahuling sunog at kabuuang halaga ng pinsala. Dave Baluyot