Home NATIONWIDE PBBM sa madalas na palit-PCO chief: The job keeps changing

PBBM sa madalas na palit-PCO chief: The job keeps changing

1
0

MANILA, Philippines – IPINALIWANAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang patuloy na pagbabago ng tungkulin ng Presidential Communications Office (PCO), partikular ang lumalaking papel nito sa political communications, ang dahilan ng madalas na pagpapalit ng namumuno sa ahensya.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos manumpa si dating People’s Television Network (PTV) General Manager Lino Cayetano bilang bagong acting PCO secretary sa Malacañang nitong Martes, Oktubre 13.

Si Cayetano ang pang-anim na opisyal na mamumuno sa PCO sa ilalim ng administrasyong Marcos mula noong 2022.

“The reason that we keep turning, we have this high turnover is because the job keeps changing in terms of what we are trying to put forward,” paliwanag ng Pangulo.

Ayon kay Marcos, unang nakatuon ang komunikasyon ng administrasyon sa pagpapaliwanag ng mga polisiya ng pamahalaan bago lumipat sa pagpapatupad ng mga programa at ngayon ay sa mga usaping may kaugnayan sa politika.

“In the beginning we were talking about policy and now we are talking about—then we started talking about what we had to do in terms of implementation. And then we started having to talk—now we are having to talk about getting more towards the more political aspects of the communications job,” aniya.

Dahil dito, sinabi ng Pangulo na kinakailangang patuloy na baguhin ang istruktura ng PCO upang matugunan ang mga pangangailangan sa komunikasyon ng administrasyon.

Binigyang-diin din ni Marcos na matagal nang bahagi ng communications team ng pamahalaan si Cayetano at may kakayahang gampanan ang bagong tungkulin.

Pinalitan ni Cayetano si Dave Gomez, na ang appointment bilang PCO secretary ay hindi nakumpirma matapos ma-bypass ng Commission on Appointments.

Nauna nang namuno sa PCO sa ilalim ni Marcos sina Trixie Cruz-Angeles, Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, Jay Ruiz at Gomez.

Samantala, sinabi ni Cayetano na kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa media at direktang pakikipagkomunikasyon sa publiko upang mas maiparating ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

Bukod sa panunumpa ni Cayetano, pinangunahan din ni Marcos ang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Malacañang media groups. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here