Home NATIONWIDE 6.49M Pinoy nakatanggap ng UPLIFT aid; P19.55-B naipamahagi

6.49M Pinoy nakatanggap ng UPLIFT aid; P19.55-B naipamahagi

5
0

UMABOT na sa 6.49 milyong Pilipino ang unang bugso ng tulong pinansyal sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng pamahalaan.

Ayon sa Office of the Executive Secretary (OES), umabot sa P19.55 bilyon ang kabuuang pondong naipamahagi para sa programa hanggang Oktubre 7, 2026.

Layunin ng pinalawak na UPLIFT Program na matulungan ang 7.5 milyong mahihirap at bulnerableng pamilya na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

Sa ilalim ng programa, tinatayang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ang nakatakdang makatanggap ng karagdagang P2,000 na one-time cash assistance.

Kabilang din sa mga benepisyaryo ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor households na natukoy sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS).

Saklaw din nito ang 1.5 milyong manggagawang mababa ang kita at kanilang pamilya na na-validate sa pamamagitan ng Social Security System (SSS).

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng CBMS at SSS ay nakatakdang makatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na gagamitin ng pamahalaan ang resulta ng isang survey upang mapahusay ang pamamahagi ng ayuda at mapalawak ang suporta sa mga manggagawa.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Mayo 26 hanggang 27, sinabi ng 96% sa 1,200 transport workers na nakatanggap ng P5,000 fuel assistance na nakatulong ang subsidiya upang maipagpatuloy o maibalik ang kanilang operasyon.

Isinagawa ang survey sa ilalim ng Social Protection, Inclusion and Gender Equality (SPRING) Program na pinondohan ng pamahalaan ng Australia.

Lumabas din sa pag-aaral na mahigit isang-katlo ng mga respondent ang hindi nakatala sa alinmang government social protection program, kabilang ang SSS at PhilHealth.

Ayon kay Recto, maaaring gamitin ang kasalukuyang database ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maiugnay ang mas maraming manggagawa sa mga serbisyong panlipunan ng pamahalaan.

Patuloy namang ipinatutupad ang pinalawak na UPLIFT assistance bilang bahagi ng pagtugon ng administrasyong Marcos sa pagtaas ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here