MANILA, Philippines – HALOS 17,000 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ipakakalat sa mga pantalan sa buong bansa upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga pasaherong magsisiuwian sa kani-kanilang probinsya para sa paggunita ng Undas 2026.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, itataas sa heightened alert status ang lahat ng operating units ng Coast Guard mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Giovanni Lopez na tiyaking ligtas at maayos ang paglalakbay ng publiko.
Bukod sa mga tauhan ng PCG, ihahanda rin ang mga floating asset at deployable response group na binubuo ng rescue personnel, medic at nurse upang agad na makatugon sa mga emergency.
Magpapakalat din ng Coast Guard K9 units sa mga pangunahing pantalan upang magsagawa ng security inspection at matiyak na walang maipapasok na mga ipinagbabawal na bagay sa mga barko, partikular ang mga paputok at iba pang mapanganib na materyales.
Magtatalaga rin ng passenger assistance desks sa mga pantalan upang umalalay sa mga biyaherong nangangailangan ng impormasyon at iba pang tulong.
Makikipag-ugnayan naman ang PCG sa Philippine Ports Authority (PPA), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang paigtingin ang seguridad at mapanatili ang kaayusan sa mga pantalan.
Inaasahang dadagsa ang mga pasahero sa mga susunod na linggo kasabay ng pag-uwi ng maraming Pilipino para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2. Jocelyn Tabangcura-Domenden