Home NATIONWIDE P42 dagdag-sahod sa Central Visayas, epektibo na

P42 dagdag-sahod sa Central Visayas, epektibo na

2
0

MANILA, Philippines – EPEKTIBO na ngayong Miyerkules, Oktubre 14, ang P42 dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Central Visayas, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ilalim ng Wage Order No. ROVII-27, itinaas sa P582 mula P540 ang arawang minimum wage sa mga lugar na kabilang sa Class A, habang naging P542 mula P500 naman sa Class B.

Saklaw ng Class A ang mga lungsod ng Cebu, Mandaue, Lapu-Lapu, Carcar, Danao, Naga at Talisay, gayundin ang mga bayan ng Compostela, Consolacion, Cordova, Liloan, Minglanilla at San Fernando.

Kabilang naman sa Class B ang iba pang lungsod at munisipalidad na hindi sakop ng Class A.

Bagama’t bahagi na ng Negros Island Region ang Negros Oriental at Siquijor, nananatiling saklaw ng bagong wage order ang mga manggagawa sa dalawang lalawigan.

Samantala, epektibo na rin ang P500 dagdag sa buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa ilalim ng Wage Order No. ROVII-DW-06.

Dahil dito, itinaas sa P7,500 mula P7,000 ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay sa mga nasabing lugar.

Saklaw nito ang mga yaya, tagaluto, hardinero, tagalaba at iba pang regular na nagsasagawa ng gawaing pambahay.

Nauna nang inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang mga wage order matapos ang konsultasyon at pampublikong pagdinig sa mga kinatawan ng manggagawa, employer at iba pang sektor.

Pinaalalahanan naman ng DOLE ang mga employer na sundin ang bagong minimum wage rates at tiyaking naibibigay ang tamang sahod sa kanilang mga manggagawa. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here