Home NATIONWIDE Binawing impeachment charges vs VP Sara, walang basehan sa simula pa lang...

Binawing impeachment charges vs VP Sara, walang basehan sa simula pa lang — Panelo

3
0

MANILA, Philippines – IGINIIT ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ang pagbawi ng House prosecution panel sa tatlong impeachment articles laban sa Bise Presidente ay pag-amin umano na walang sapat na basehan ang mga paratang mula pa sa simula.

Sa pahayag nitong Miyerkules, Oktubre 14, sinabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na ipinapakita ng desisyon ng prosekusyon ang kahinaan ng mga akusasyong inihain laban sa Bise Presidente.

“The withdrawal is an admission that the allegations lacked basis from the very beginning,” pahayag ni Panelo na iniulat ng GMA News.

Bukod dito, iginiit niya na hindi makatarungan ang pagbawi sa mga impeachment articles dahil nawalan umano ng pagkakataon si Duterte na pabulaanan ang mga paratang at magharap ng sariling ebidensya sa Senate impeachment court.

Ayon kay Panelo, ipinagkait din umano sa Bise Presidente ang pagkakataong mapawalang-sala sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng hukuman batay sa ebidensya at batas.

Nauna nang pinayagan ng Senate impeachment court nitong Martes, Oktubre 13, ang kahilingan ng prosekusyon na bawiin ang mga impeachment article kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery at grave threats.

Ang natitirang Article II ay nakatuon sa alegasyon ng unexplained wealth at umano’y hindi ganap na pagdedeklara ng mga ari-arian at interes sa negosyo sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ipinaliwanag naman ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na napagdesisyunan nilang ituon ang paglilitis sa unexplained wealth dahil naniniwala silang sapat ang mga naiharap na ebidensya upang suportahan ang kanilang kahilingang patalsikin sa puwesto si Duterte.

Layunin din umano ng hakbang na mapabilis ang pagresolba sa impeachment case.

Gayunman, hindi nangangahulugang kinilala ng prosekusyon na walang basehan ang mga binawing paratang, at wala ring inilabas na hatol ang impeachment court na nagpapawalang-sala kay Duterte sa mga ito.

Pinayagan din ng impeachment court ang pampublikong pagtalakay sa mga binawing articles matapos alisin ang kaukulang sub judice restriction.

Samantala, maaari pang kuwestiyunin ng mga senator-judge ang desisyon sa pamamagitan ng motion for reconsideration.

Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, kung kailan inaasahang maghaharap ng sariling ebidensya ang depensa kaugnay ng natitirang alegasyon ng unexplained wealth. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here