MANILA, Philippines – Apektado ng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan nitong Martes ng gabi, Oktubre 13, ang nasa 108 pamilya sa tatlong barangay sa Norala, South Cotabato.
Ayon kay Rolly Doane Aquino, hepe ng South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang pagbaha ay nagsimula 8:45 ng gabi at naapektuhan ang barangay San Miguel, Lopez Jaena, at Poblacion.
Batay sa inisyal na report, 50 pamilya ang apektado sa San Miguel, walo sa Lopez Jaena, at 50 sa Poblacion.
Ani Aquino, posible pang tumaas ang bilang dahil patuloy pang sinusuyod ng mga awtoridad ang mga apektadong komunidad.
Dinala na sa evacuation center ang mga inilikas na pamilya.
Inaasahan din na mamamahagi ng tulong ang PDRRMO sa mga apektadong pamilya.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang lawak ng pinsala dahil sa pagbaha dahil sa nagpapatuloy na assessment. RNT/JGC