MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki na sangkot sa ‘rentangay’ modus kung saan nirerentahan nito ang mga sasakyan at hindi na ibinabalik saka ibinibenta.
Kasabay nito, naaresto rin ang drayber na naglalabas ng mga sasakyan at dinadala patungong Mindanao.
Kinilala ang suspek na si alyas Lance na naaresto ng mga awtoridad sa entrapment operation sa San Juan.
Ang biktima naman ay kinilalang si alyas Marivic, kung saan nagbigay ang suspek ng P220,000 kabayaran para sa Honda Civic na inialok sa kanyang ibinibenta.
Matapos ang ilang araw, bumalik ang suspek ngunit hindi dala ang Honda Civic, kundi ibang sasakyan.
Dito na naghinala ang suspek at iniulat ang insidente sa pulisya.
“Nu’ng bumalik ‘yung suspect natin, ang dala niya, instead na Honda Civic, ay Innova na 2025,” sinabi ni San Juan chief of police Police Colonel Anthony Gantang sa panayam ng GMA News.
“So sabi niya ‘yung Honda daw ay parang nabenta na yata niya. So ito na lang ‘yung bibigay niya, ‘yung Innova. Pero magdadagdag siya ng P170,000,” dagdag ni Gantang.
Dito na sinuri ng biktima ang mga papeles ng sasakyan at nakita na nasa ilalim pa ito ng car financing at hindi pa maaaring ibenta.
Agad na inaresto ng mga awtoridad ang suspek kasabay ng pagkakarekober sa tatlo iba pang sasakyan.
Naharang at naaresto rin aniya ng mga operatiba ang drayber na naglalabas ng sasakyan na ibebenta umano sa Mindanao.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Article 315 of the Revised Penal Code o estafa o swindling.
Maaaring bahagi umano ang suspek at drayber ng mas malaki pang sindikato sa kaparehong ‘rentangay’ modus. RNT/JGC