MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules, Oktubre 14, ang paglulunsad ng pitong bagong programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) upang magbigay ng mas maraming trabaho at oportunidad sa kabuhayan.
Sa pagbisita ng Pangulo sa Jpark Island Resort and Waterpark sa Lapu-Lapu City, Cebu, ipinaliwanag ni Labor Secretary Francis Tolentino ang mga bagong programa. Nakipag-usap din ang Pangulo sa 75 benepisyaryo ng TUPAD, kabilang ang mga mangingisdang nakatanggap ng mga bangkang pangisda at fish pen.
Tinukoy ng Pangulo ang pitong programa na SkillPass, Tropa Negosyo Trabaho, Sagip-Trabaho, KaHANAP, Match Fund LGU, Tulong-Aral at Trabahong-Dagat. Layunin ng mga ito na mabigyan ang mga benepisyaryo ng pagsasanay, trabaho at pagkakataong magtayo ng sariling negosyo.
Sa ilalim ng SkillPass, matutulungan ang mga manggagawa na magamit ang kanilang karanasan at kakayahan upang makahanap ng trabaho. Ang Tropa Negosyo Trabaho, o Puhunan Ko, ay nagbibigay naman ng puhunan na P50,000 hanggang P500,000 sa mga grupong nais magtayo ng maliit na negosyo.
Samantala, nagbibigay ang Sagip-Trabaho ng tulong sa sahod sa mga kuwalipikadong maliliit na negosyo upang mapanatili ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay Tolentino, sasagutin ng pamahalaan ang PhP42 na dagdag-sahod sa Cebu para sa mga kuwalipikadong negosyo sa ilalim ng programa.
“Kapag qualified ka, ang P42 wage increase sa Cebu ay sasagutin na ng TUPAD. Walang dahilan para magsara o mag-layoff. Tutulungan ka ng pamahalaan para tuloy-tuloy ang negosyo,” ani Tolentino.
Sa ilalim naman ng KaHANAP, bibigyan ang mga manggagawa ng pagkakataong magkaroon ng karanasan sa trabaho na maaaring humantong sa regular na empleyo. Layunin ng Match Fund LGU na palakasin ang pagtutulungan ng DOLE at mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng trabaho.
Samantala, tutulungan ng Tulong-Aral ang mga batang nasa baitang 1 hanggang 3 na mapahusay ang kanilang pagbasa, pagsulat at matematika. Ang Trabahong-Dagat naman ay magbibigay ng trabaho at pagsasanay sa mga mangingisda at iba pang manggagawa sa mga baybaying lugar.
Kasabay ng paglulunsad, nagsagawa rin ng job fair sa Island Central Mall sa Lapu-Lapu City na nag-alok ng humigit-kumulang 1,500 trabaho sa larangan ng maritime.
Ayon sa DOLE, layunin ng mga bagong programa na madagdagan ang trabaho, mapaunlad ang kakayahan ng mga manggagawa at mabigyan sila ng mas matatag na pagkakakitaan alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulo. KRIS JOSE