Home NATIONWIDE Lawak ng yaman ni VP Sara nakita lang ng prosekusyon nang dumating...

Lawak ng yaman ni VP Sara nakita lang ng prosekusyon nang dumating rekord noong Setyembre

1
0

MANILA, Philippines – Noong Setyembre lang nakita ng House prosecution ang ganap na lawak ng yaman ni Vice President Sara Duterte, matapos dumating sa kanila ang mga na-subpoena na rekord ng bangko, Bureau of Internal Revenue(BIR) at iba pang financial institution.

Ito rin ang dahilan kung bakit umano hindi naiuna ang pagprisinta ng unexplained wealth, ayon kay House private prosecutor at legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr.

Sa tanong kung bakit hindi inuna ang Article II kung itinuturing na ngayon ng prosekusyon na sapat para dalhin mag-isa ang impeachment case laban kay VP Sara, sinabi ni Tolosa na inabot ng ilang panahon bago nakuha ang mga dokumentong in-subpoena at Setyembre lang ito nakuha.

Pinag-aralan ng mga prosecutor ang mahigit isang libong dokumentong pampinansyal at ipinatawag ang mga opisyal ng mga bangko, ahensya ng gobyerno, insurance company, at iba pang institusyon, bago iprinisinta si Forensic Financial Analyst Alexander Cabrera bilang huling saksi.

“Kailangan din namin ng panahon para pag-aralan ito at tiyaking maiprisinta sa korte at sa publiko sa paraang hindi lang tumpak, kundi madaling sundan at maintindihan ng lahat,” paliwanag ni Tolosa.

Dahil dito, huli na naiharap ang Article II, matapos munang talakayin ng prosekusyon ang mga bahagi ng kaso tungkol sa grave threats at confidential funds.

“Kaya sa praktikal na usapin, hindi talaga namin ito maaaring simulan sa article na iyon,” giit ni Tolosa.

“At pangalawa, wala kaming access sa mga dokumentong ito sa simula, hangga’t hindi pa na-subpoena,” dagdag nito.

Iginiit ni Tolosa na malaki ang naging epekto ng pagkakakuha ng mga rekord sa pagkaunawa ng prosekusyon sa mga ebidensyang pampinansyal na magagamit sa Article II.

“Nang makuha namin ang mga rekord, doon lang namin nakita ang lawak ng yaman ng bise presidente, ayon sa mga opisyal na rekord na ito,” pagtatapos ni Tolosa. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here