Home NATIONWIDE 1K pamilyang 4Ps sa Maynila, graduate na; Isko nag-alok ng skills training...

1K pamilyang 4Ps sa Maynila, graduate na; Isko nag-alok ng skills training at pangkabuhayan

2
0

MANILA — May bagong pagkakataon para sa mas matatag na kabuhayan ang 1,000 pamilyang Manilenyo na pormal nang nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos maabot ang antas ng kasarinlan na kailangan upang makaalis sa programa.

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang LGU-Pugay Tagumpay Graduation Ceremony sa San Andres Sports Complex noong Miyerkules, Oktubre 14, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Nagmula ang mga nagsipagtapos sa anim na congressional district ng Maynila at Baseco. Pinakamarami ang mula sa District 1 na may 286 pamilya, sinundan ng District 2 na may 192 at District 3 na may 122.

May 116 naman mula sa District 4, tig-105 mula sa Baseco at District 6, at 74 mula sa District 5.

Ayon kay Domagoso, hindi nangangahulugang matatapos na rin ang suporta ng pamahalaang lungsod sa paglabas ng mga pamilya sa 4Ps. Sa halip, hinihikayat niya ang mga ito na sumailalim sa skills training ng Maynila katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kabilang sa mga maaaring pag-aralan ang pagluluto, paggawa ng pastry at manicure services. Ang mga makatatapos sa pagsasanay ay maaari ring mag-apply para sa livelihood grant na maaaring gamiting puhunan sa pagsisimula ng sariling pagkakakitaan.

Layunin ng programa na matulungan ang mga pamilya na magkaroon ng kasanayang magagamit sa paghahanap ng trabaho o pagtatayo ng maliit na negosyo, sa halip na umasa lamang sa tulong pinansyal.

Samantala, ipinaalala rin ng alkalde ang libreng serbisyo ng Catheterization Laboratory sa Ospital ng Maynila, na nagbibigay ng angiogram at angioplasty nang walang bayad sa mga pasyente.

Ayon kay Domagoso, maaaring umabot sa ₱50,000 hanggang ₱1.5 milyon ang gastos sa ganitong mga pamamaraan sa mga pribadong ospital. Nasa 79 pasyente na umano ang napagsilbihan ng pasilidad mula nang magbukas ito.

Sa kabila ng limitadong pondo ng lungsod at mga hamong dulot ng pandaigdigang ekonomiya, tiniyak ng alkalde na patuloy na bibigyang-pansin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo, kabilang ang pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho.

Iginiit ni Domagoso na mananatiling may pamahalaang handang tumulong sa mga mamamayan, lalo na sa mga pamilyang nagsisikap na makamit ang mas maayos at matatag na pamumuhay. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here