Home NATIONWIDE Dagdag-sahod sa Central Visayas malaking tulong sa gastusin ng mga manggagawa –...

Dagdag-sahod sa Central Visayas malaking tulong sa gastusin ng mga manggagawa – PBBM

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makatutulong sa mga manggagawa at kanilang pamilya ang dagdag-sahod sa Central Visayas upang matugunan ang kanilang mga gastusin sa araw-araw.

Sa kanyang talumpati sa 26th National Public Employment Service Office (PESO) Congress sa Cebu, sinabi ng Pangulo na makatatanggap ng karagdagang P42 sa arawang minimum wage ang mga saklaw na manggagawa sa pribadong sektor, habang madaragdagan naman ng P500 ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay.

Kinilala rin ng Pangulo ang mga hamong kinahaharap ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa gitna ng pabago-bagong kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya, na lalo pang naaapektuhan ng mga tensiyon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na palalawakin ng pamahalaan ang mga oportunidad sa trabaho. Hinikayat din niya ang mga manggagawa na paghusayin ang kanilang mga kasanayan, palawakin ang karanasan at samantalahin ang mga pagkakataong matuto at umunlad.

“Hindi pa tapos ang ating gawain. Dapat tayong patuloy na magtulungan, ilaan ang mga mapagkukunan sa mga higit na nangangailangan, at panagutan ang mga resultang ating makakamit,” ang bahagi ng pahayag ng Pangulo.

Hinimok din ng Pangulo ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang stakeholder na palakasin pa ang mga programa para sa panlipunang proteksiyon at lumikha ng mas pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan, lalo na para sa mga manggagawang higit na nangangailangan ng suporta.

“Sa ating mga kababayang naghahanap ng trabaho: Batid ko ang mga hamon sa inyo sa gitna ng pabago-bago ng ating ekonomiya—na pinapalala pa ng tensiyon sa iba’t ibang panig ng mundo,” aniya pa rin sabay sabing “Makakaasa kayo na patuloy nating palalawakin ang mga oportunidad upang magkaroon kayo ng maayos na hanapbuhay.”

“Kasabay nito, patuloy ninyong palakasin ang inyong mga kakayahan, pagyamanin ang inyong karanasan, at samantalahin ang bawat pagkakataong matuto at mag-unlad,” dagdag ng Pangulo. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here