Home NATIONWIDE 1,200-MW nuclear power sa Pinas, target sa 2032 — Marcos

1,200-MW nuclear power sa Pinas, target sa 2032 — Marcos

2
0

MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kayang makamit ng Pilipinas ang target na 1,200 megawatts (MW) ng nuclear power capacity pagsapit ng 2032 upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente ng bansa.

Sa media briefing sa Singapore noong Oktubre 11, sinabi ng Pangulo na mabilis ang ginagawang pagpapalawak ng power generation capacity ng Pilipinas.

“One thousand two hundred megawatts I think is achievable,” pahayag ni Marcos, batay sa opisyal na transcript ng Presidential Communications Office (PCO).

Gayunman, inamin niyang nangangailangan ng mahabang panahon ang pagbuo ng nuclear power facilities, na karaniwang umaabot ng anim hanggang pitong taon, kabilang ang proseso ng pagkuha ng mga permit.

Ayon kay Marcos, patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga bagong nuclear technology at posibleng pakikipagtulungan sa ibang bansa upang mapabilis ang pagpapatupad ng programa.

Muli rin niyang binanggit ang hindi paggamit sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), na ayon sa kanya ay naging maling desisyon dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente na naranasan ng bansa noong mga sumunod na taon.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang palawakin ang mga mapagkukunan ng enerhiya, lalo na sa inaasahang paglaki ng konsumo ng kuryente dahil sa artificial intelligence (AI), data centers at digital economy.

“If we are to be part of the value chain for AI, for the digital economy, we have to produce enough power to support it,” ani Marcos.

Samantala, batay sa Philippine Energy Plan ng Department of Energy (DOE), target na magkaroon ng 1,200 MW nuclear power capacity sa 2032, na inaasahang tataas sa 2,400 MW sa 2035 at 4,800 MW sa 2050.

Noong Setyembre 29, inanunsyo ng DOE ang pagsusulong ng mga panuntunan para sa competitive procurement ng kauna-unahang nuclear generation capacity ng bansa.

Kabilang sa mga isinasaalang-alang ang kahandaan ng transmission grid, pagpili ng teknolohiya, financing, regulatory approvals at kaligtasan ng operasyon.

Nilinaw ng DOE na hindi awtomatikong nagbibigay ng pahintulot na magtayo o magpatakbo ng nuclear facility ang pagkapanalo sa procurement process, dahil kailangan pa ring makuha ang mga kaukulang permit mula sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM).

Bukod sa nuclear energy, sinabi ni Marcos na patuloy ding sinusuri ng pamahalaan ang iba pang mapagkukunan ng enerhiya, kabilang ang hydrogen at renewable energy, upang mabawasan ang pagdepende sa imported fuel at mapatatag ang suplay ng kuryente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here