Home HOME BANNER STORY Pulis na may-ari ng baril sa Tacloban school shooting, sibak sa serbisyo

Pulis na may-ari ng baril sa Tacloban school shooting, sibak sa serbisyo

1
0

MANILA, Philippines — Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang babaeng pulis matapos mapatunayang nagpabaya sa pag-iingat ng kanyang service firearm na ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026.

Sa desisyong inanunsyo nitong Miyerkoles, Oktubre 14, napatunayang administratibong nagkasala si Police Staff Sergeant Arla Ray O. Paciencia ng Regional Finance Service Unit 8 sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon sa NAPOLCOM, iniwan ni Paciencia sa kanilang bahay ang kanyang government-issued 9mm pistol habang naka-duty sa araw ng insidente.

Sa halip na ilagay sa safety vault gaya ng itinatakda ng Philippine National Police (PNP), itinago umano niya ang baril sa isang plastic gun box na nakalagay sa loob ng plastic cabinet.

Nakuha ang naturang baril at nagamit umano ng kanyang 14-anyos na pamangkin sa pamamaril sa paaralan na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.

Batay sa desisyon, ang matinding kapabayaan ni Paciencia sa pag-iingat ng kanyang baril ang naging isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng pagkakataong magamit ito sa krimen.

Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinataw din sa kanya ang forfeiture of benefits at perpetual disqualification from holding public office.

Tinanggihan din ng NAPOLCOM ang kanyang mga parangal at commendation bilang batayan upang mapagaan ang parusa.
Binigyang-diin ng komisyon na pangunahing responsibilidad ng bawat pulis ang wastong paghawak at pag-iingat ng kanilang armas upang hindi ito magamit sa mga krimeng maaaring maglagay sa panganib sa publiko.

Nauna nang iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP ang pananagutan ng mga nakatatandang may-ari ng mga baril na ginamit ng dalawang menor de edad na sangkot sa pamamaril.

Kabilang sa mga sinuri ng mga awtoridad ang posibleng kriminal na pananagutan ng pulis bukod sa administratibong kasong dininig ng NAPOLCOM. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here