MANILA — Umakyat sa 22.6% ang porsiyento ng mga pamilyang Pilipinong nakaranas ng gutom noong Setyembre 2026, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa survey na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, tumaas ng 2.3 percentage points ang hunger rate mula sa 20.3% noong Hunyo.
Ang tinatawag na involuntary hunger ay tumutukoy sa mga pamilyang nakaranas ng gutom at walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa kabuuang bilang, 16.2% ang nakaranas ng moderate hunger o pagkagutom nang isa o ilang beses, habang 6.4% ang nakaranas ng severe hunger o madalas at palagiang pagkagutom.
Mas mataas ang severe hunger rate kumpara sa 4.5% na naitala noong Hunyo.
Pinakamataas ang antas ng pagkagutom sa Metro Manila na umabot sa 27%, mula sa dating 21%.
Sa Luzon sa labas ng Metro Manila, tumaas naman sa 23.6% ang hunger rate mula sa 17.3%.
Samantala, bahagyang bumaba sa 23.7% mula 24% ang bilang sa Mindanao, habang bumagsak sa 16% mula 22.3% ang sa Visayas.
Kasabay nito, tumaas sa 55% mula 49% ang self-rated poverty o porsiyento ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap.
Umakyat din sa 44% mula 36% ang self-rated food poverty, na tumutukoy sa mga pamilyang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap batay sa uri ng pagkaing kanilang nakakain.
Sa mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap, tumaas sa 27.9% mula 24.5% ang nakaranas ng gutom.
Ayon sa SWS, ang pagtaas ng hunger rate ay kaugnay ng pagdami ng mga pamilyang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap at ng paglala ng pagkagutom sa mga grupong ito.
Bagama’t nalampasan ng 22.6% ang 21.1% na taunang average noong 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, nananatili itong mas mababa kaysa sa 30.7% na naitala noong Setyembre ng naturang taon.
Isinagawa ang face-to-face survey sa 1,500 adult respondents sa buong bansa, na may ±3 percentage points na national margin of error. Dave Baluyot