Home NATIONWIDE VP Sara niresbakan si Kapunan: Pagdepensa ni Sison sa impeachment, ‘di pambu-bully

VP Sara niresbakan si Kapunan: Pagdepensa ni Sison sa impeachment, ‘di pambu-bully

1
0

MANILA, Philippines — Kinontra ni Vice President Sara Duterte ang paratang na pambubully laban sa kanyang lead defense counsel na si Sheila Sison matapos itong batikusin ni private prosecutor Lorna Kapunan kaugnay ng mga pahayag sa impeachment trial sa Senado.

Sa kanyang pahayag nitong Miyerkoles, Oktubre 14, ipinagtanggol ni Duterte si Sison at iginiit na ginagawa lamang ng abogado ang kanyang tungkulin sa pagdepensa laban sa mga akusasyon.

“Lorna Kapunan calling a defense counsel a bully is like calling David the aggressor against Goliath,” ani Duterte.

Ayon sa Bise Presidente, hindi makatarungang tawaging bully ang isang abogado dahil lamang sa kanyang pagtutol at pagkuwestiyon sa mga alegasyon ng kabilang panig.

Kinuwestiyon din ni Duterte ang katibayan ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon at muling iginiit na ginagamit umano ang impeachment proceedings para sa political persecution.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa pagdinig noong Martes, Oktubre 13, nang gamitin ni Sison ang salitang “persecution” habang tumututol sa desisyon ng prosekusyon na bawiin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte.

Sa press conference, tinawag ni Kapunan na “bully” at “bastos” si Sison dahil sa umano’y paulit-ulit na paggamit ng mga salitang kumukuwestiyon sa pagiging patas ng paglilitis.

Iginiit ni Kapunan na hindi lamang ang prosekusyon kundi maging ang mga senador na nagsisilbing impeachment judges ang hindi umano iginagalang ng abogado.

Humiling din si House lead prosecutor Gerville Luistro na alisin sa opisyal na rekord ang paggamit ni Sison ng salitang “persecution.”

Gayunman, tinanggihan ni impeachment court presiding officer Sen. Francis Escudero ang mosyon at pinayagang manatili sa rekord ang nasabing salita bilang pagpapahayag ng posisyon ng depensa.

Sa kabila ng bangayan, magpapatuloy ang impeachment trial sa natitirang Article II na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth, hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at hindi umano pag-divest sa mga interes sa negosyo.

Itinakda sa Nobyembre 9 ang pagpapatuloy ng pagdinig para sa presentasyon ng ebidensya ng depensa. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here