Home NATIONWIDE Pinsala ng El Niño sa agrikultura, umabot na sa P6.5-B

Pinsala ng El Niño sa agrikultura, umabot na sa P6.5-B

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa humigit-kumulang P6.5 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa nagpapatuloy na El Niño, na nakaapekto sa 215,386 magsasaka at mangingisda sa 10 rehiyon ng bansa.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na iniulat ng Philippine News Agency nitong Miyerkoles, Oktubre 14, pinakamalaking pinsala ang naitala sa Cagayan Valley na umabot sa halos P4.96 bilyon.
Sinundan ito ng Cordillera Administrative Region na may P934.9 milyong pinsala, Davao Region na may P410.1 milyon, Zamboanga Peninsula na may P95.8 milyon, at Bicol Region na may P37.48 milyon.

Nakapagtala rin ng pinsala sa Central Visayas, CALABARZON, Western Visayas, SOCCSKSARGEN at Central Luzon.

Ayon sa NDRRMC, mahigit 240,000 ektarya ng mga taniman ang naapektuhan ng matinding init at kakulangan ng ulan.

Samantala, nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda laban sa El Niño, partikular sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng tubig at kuryente.

Kabilang sa mga inirekomendang hakbang ang pagpapabilis ng emergency pipeline repairs, paghihigpit sa hindi mahahalagang paggamit ng tubig, at pagsusulong ng rainwater harvesting at water recycling.

Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking may sapat na backup power at nakaimbak na tubig ang mga ospital, paaralan, evacuation center at iba pang mahahalagang pasilidad.

Nauna nang nagbabala ang PAGASA na maaaring magpatuloy ang El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027, na posibleng magdulot ng mas matinding tagtuyot at kakulangan sa ulan sa ilang bahagi ng bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here