MANILA, Philippines — Nanawagan si Cardinal Pablo Virgilio David sa mga Katolikong Pilipino na ipagdasal ang agarang paggaling ni Pope Leo XIV matapos sumailalim sa operasyon dahil sa kanser sa baga.
Sa kanyang Facebook post nitong Miyerkoles, Oktubre 14, inalala ni David ang pagkakataong niyakap siya ng Santo Papa sa Vatican noong nakaraang linggo.
“Last Wednesday, he reached out to me with a hug. Today, I want to return that hug through prayer,” ani David.
Hinikayat niya ang mga mananampalataya na ipadama sa Santo Papa ang kanilang pagmamahal at suporta sa pamamagitan ng panalangin habang ito ay nagpapagaling.
Ayon sa opisyal na medical bulletin ng Vatican, kinumpirmang may lung adenocarcinoma si Pope Leo XIV matapos suriin ang tissue na nakuha sa operasyon.
Sumailalim ang 71-anyos na Santo Papa sa operasyon nitong Martes, Oktubre 13, sa Gemelli Hospital sa Rome, kung saan inalis ng mga doktor ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga.
Matagumpay ang operasyon na tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto at walang naitalang komplikasyon.
Sa pinakahuling medical update ng Vatican nitong Miyerkoles, sinabi ng mga doktor na normal ang paggaling ng Santo Papa batay sa resulta ng kanyang blood tests at chest X-ray.
Nagsimula na rin siyang maglakad sa loob ng kanyang silid, sumailalim sa respiratory physiotherapy at bumalik sa normal na pagkain.
Samantala, pinangunahan ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa St. Peter’s Square bilang kinatawan ni Pope Leo XIV habang ito ay nagpapagaling.
Inaasahang mananatili ang Santo Papa sa ospital nang humigit-kumulang isang linggo upang mabantayan ang kanyang kondisyon. RNT