MANILA, Philippines — Halos kalahati ng mga Pilipino ang hindi kuntento sa pagganap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nananatiling mayorya ang sumusuporta kay Vice President Sara Duterte, batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Huwebes, Oktubre 15.
Sa September 2026 Ulat ng Bayan survey, umabot sa 49% ang disapproval rating ni Marcos, habang 30% lamang ang aprubado sa kanyang pagganap at 21% ang walang tiyak na posisyon.
Kabaligtaran naman ang resulta kay Duterte na nakapagtala ng 54% approval rating, habang 27% ang hindi aprubado at 18% ang undecided.
Maging sa usapin ng tiwala, mas mataas ang nakuhang marka ng Bise Presidente.
Ayon sa Pulse Asia, 55% ng mga respondent ang nagpahayag ng tiwala kay Duterte, kumpara sa 27% na walang tiwala sa kanya.
Samantala, 48% ang nagsabing hindi nila pinagkakatiwalaan si Marcos, habang 29% lamang ang may tiwala sa Pangulo at 22% ang undecided.
Pinakamataas ang disapproval rating ni Marcos sa Mindanao na umabot sa 71%, sinundan ng Visayas na may 57%.
Nagtala rin ng 66% disapproval ang Pangulo sa mga respondent mula sa Class E, habang 48% naman sa Class D.
Sa kabilang banda, nananatiling pinakamalakas ang approval rating ni Duterte sa Mindanao na umabot sa 91%, kasunod ang Visayas na may 58%.
Umabot din sa 68% ang approval rating ng Bise Presidente sa Class E.
Gayunman, nilinaw ng Pulse Asia na halos walang makabuluhang pagbabago sa national approval at trust ratings ng dalawang opisyal mula Hulyo hanggang Setyembre.
Bahagyang umakyat sa 30% mula 29% ang approval rating ni Marcos, habang bumaba naman sa 54% mula 56% ang kay Duterte.
Isinagawa ang survey noong Setyembre 17 hanggang 24 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 Pilipinong edad 18 pataas, na may ±2 percentage points na national margin of error. Dave Baluyot