MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang water consumers sa San Pedro City, Laguna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasuri ang epekto ng paglilipat ng pagmamay-ari at kontrol ng PrimeWater Infrastructure Corp. sa Crystal Bridges Holding Corp. (CBHC) sa umiiral nitong joint venture agreement sa San Pedro Water District (SPWD).
Nakuha ng Co-led Crystal Bridges ang 100% ng PrimeWater, na kalaunan ay pinalitan ng pangalan bilang Hiraya Water Corp. Kinumpirma rin ng Malacañang noong Hulyo na naisalin na ang kumpanya sa Crystal Bridges.
Kaugnay nito, nais ng mga petitioner na malinawan kung nasunod ang lahat ng kinakailangang notice, consent at iba pang kondisyon sa ilalim ng umiiral na JVA ng SPWD at ng mga applicable rules sa joint ventures ng government entities.
Partikular nilang hinihingi ang paglilinaw kung ano ang epekto ng pagbabago ng ownership ng private partner sa mga obligasyon nito sa water district at sa mga consumer.
Kinukuwestiyon din ng grupo ang umano’y hindi pagsasapubliko ng definitive agreement sa acquisition dahil sa sinasabing confidentiality nito.
Giit ng mga petitioner, dapat maging malinaw sa publiko ang epekto ng corporate transaction sa pagpapatuloy ng water service, investments at iba pang obligasyong nakapaloob sa JVA.
Nauna nang sinabi sa isang Senate hearing na ang pagbabago sa ownership at corporate name ng PrimeWater ay hindi nag-aalis sa mga naunang obligasyon nito sa mga consumer, contractor at local water districts.
Nais din ng grupo na malaman kung may epekto ang acquisition sa mga obligasyon ng private water operator sa SPWD, lalo na sa gitna ng mga naunang reklamo hinggil sa water interruptions sa San Pedro.
Noong Mayo, nagkaroon ng matagal na service interruption sa ilang bahagi ng San Pedro na iniugnay ng SPWD at PrimeWater sa problema sa transmission pipeline sa Barangay Landayan.
Hinimok din ng mga petitioner ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na suriin kung nasunod ang mga obligasyon sa ilalim ng JVA at kung may nararapat na contractual remedies sakaling mapatunayang may paglabag.
Binanggit din ng grupo ang OGCC Opinion No. 129, Series of 2026, bilang isa umano sa mga dokumentong dapat isaalang-alang sa pagsusuri.
Nanawagan din ang grupo para sa transparency kaugnay ng acquisition. Gayunman, inaprubahan na ng Philippine Competition Commission noong Abril 7 ang proposed acquisition ng Crystal Bridges sa PrimeWater, kaya mas nararapat na linawin kung ano ang saklaw at kondisyon ng naturang approval kaysa sabihing hindi pa ito nasuri ng PCC.
Hinihingi ng mga petitioner ang isang transparent na pagsusuri upang matiyak na mananatiling umiiral ang mga obligasyon sa ilalim ng JVA at hindi maaapektuhan ang karapatan ng mga consumer sa maaasahang serbisyo ng tubig.
“Ang tubig ay buhay. Ang tubig ay para sa mamamayan. Ang pananagutan ay hindi maaaring ilipat, itago, o takasan,” ayon sa kanilang pahayag. (Santi Celario)