MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang manggagawa matapos matagpuang nakasilid sa sako ang bangkay ng kanilang 33-anyos na katrabahong labandera sa Talisay City, Negros Occidental.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR), natagpuan ang bangkay ng biktima noong Martes ng gabi, Oktubre 13, sa Hacienda Santa Catalina, Barangay Dos Hermanas.
Kinilala ang dalawang suspek sa mga alyas na “Rene Boy,” 44, at “Arnold,” 34, na kapwa nagtatrabaho sa farm kung saan nagtatrabaho rin ang biktima.
Sinabi ni PRO-NIR Director Brig. Gen. Rudecindo Reales na ang mga suspek mismo ang unang nagbigay ng impormasyon tungkol sa pagkakatuklas sa bangkay.
Gayunman, naghinala ang mga imbestigador sa kanilang mga pahayag hanggang sa lumitaw umano sa pagtatanong na may kinalaman sila sa pagkamatay ng babae.
Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng nag-ugat ang krimen sa pagtanggi umano ng biktima na magpautang ng P1,000 sa dalawang lalaki.
Pinaniniwalaang pinatay ang babae noong Oktubre 8 matapos hampasin ng matigas na kahoy bago isinilid ang kanyang bangkay sa sako at itinapon sa lugar kung saan ito natagpuan.
Sinabi rin ng pulisya na iniimbestigahan ang alegasyong seksuwal na pinagsamantalahan ang biktima, kasunod ng iniulat na pag-amin ng isa sa mga suspek.
Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng autopsy at forensic examination upang matukoy kung may naganap na seksuwal na pang-aabuso.
Ayon pa sa mga awtoridad, umamin umano ang dalawang suspek sa paggamit ng ilegal na droga.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa dalawa, habang nakadepende sa resulta ng karagdagang imbestigasyon ang posibleng pagsasampa ng iba pang kaso. Mary Anne Sapico