MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine Space Agency (PhilSA) ng mapa na nagpapakita ng konsentrasyon ng sulfur dioxide (SO2) mula sa Bulkang Kanlaon mula Oktubre 9 hanggang 12, bago at matapos ang pagsabog nito noong Oktubre 10.
Batay sa mapa, tumaas ang konsentrasyon ng SO2 sa paligid ng bulkan matapos ang pagsabog at kumalat pahilagang-kanluran noong Oktubre 11 hanggang 12. Posibleng naapektuhan nito ang kalidad ng hangin sa ilang lugar sa Guimaras, Iloilo, Capiz at Aklan.
Ginagamit ang SO2 upang matukoy at masubaybayan ang mga plume o bugso ng gas mula sa mga bulkan dahil inilalabas ito sa panahon ng pagsabog at karaniwang nasa mababang konsentrasyon sa malinis na hangin.
Nakuha ang datos mula sa Sentinel-5P satellite, na gumagamit ng optical imaging spectrometer upang suriin ang mga natatanging spectral fingerprint ng iba’t ibang gas sa atmospera.
Ayon sa PhilSA, nakatutulong ang pagsusuri sa satellite data na masubaybayan ang malawak na lugar at masuportahan ang mga kinauukulang ahensiya sa pagmonitor ng sitwasyon.
Gayunman, hindi direktang ipinapakita ng datos ang konsentrasyon ng SO2 sa mismong antas ng lupa. Maaari lamang itong gamiting karagdagang batayan sa pamamahala ng kalidad ng hangin at pagtatasa sa aktibidad ng bulkan, kasama ng iba pang datos sa pagmonitor. RNT/MDS