MANILA, Philippines – Hindi umano iniisip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posibleng kapalit ni Vice President Sara Duterte habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban sa bise presidente, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.
“Hindi po naiisip ng Pangulo yan, sa totoo. Hindi po napaguusapan. Sa ngayon, kahit kami ay nag-memeeeting, hindi napaguusapan ang impeachment,” ani Castro.
“Ang nais lang po talaga niya ay due process,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na walang makikialam sa desisyon ni Duterte kung mananatili siya sa puwesto habang nahaharap sa impeachment proceedings.
Noong Martes, iginiit ni Duterte na “I will not resign, will never resign from the Office of the Vice President” sa gitna ng impeachment proceedings at mga alegasyon laban sa kanya.
Ayon kay Castro, kung ayaw magbitiw ni Duterte, desisyon niya iyon at walang manghihimasok. Gayunman, tinawag niyang “malaking kalokohan” ang pahayag umano ni Duterte na dapat magbitiw ang Pangulo.
Noong Martes, binawi ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte. Sinabi ng mga prosecutor na ibabatay nila ang kaso sa Article II, na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi ganap na pagsisiwalat ng mga ari-arian at hindi pag-divest sa negosyo.
Ayon sa kampo ni Duterte, ang pagbawi sa tatlong artikulo ay pag-amin na walang sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa kanya. Binatikos din ng kanyang kampo ang hakbang ng mga prosecutor.
Tinanong naman ni Castro kung bakit hindi tumutol ang defense team sa pagbawi ng mga artikulo.
“Ang pagbitiw sa articles of impeachment, hindi naman natin nakitaan ng objection yung defense team, nagbigay lang sila ng manifestation. But the team did not give any objection,” ani Castro.
Dagdag pa niya, hindi dapat sisihin ang prosecution o ang mga senador na nagsisilbing hukom dahil wala umanong pormal na pagtutol mula sa depensa. Binigyang-diin niyang magkaiba ang objection at manifestation sa mga pagdinig. RNT/MDS