Home NATIONWIDE Mastermind sa bagong POGO hub, pinatutugis ni Hontiveros

Mastermind sa bagong POGO hub, pinatutugis ni Hontiveros

3
0

MANILA, Philippines — Hindi lamang mga manggagawa kundi pati mga utak, financier at posibleng protektor ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang dapat habulin ng pamahalaan matapos muling madiskubre ang mga hinihinalang ilegal na operasyon sa Cubao, Quezon City at Zamboanga Sibugay.

Ito ang iginiit ni Senador Risa Hontiveros matapos kuwestiyunin kung bakit patuloy na nakakapag-operate ang mga hinihinalang POGO hub sa kabila ng pagbabawal sa mga ito.

Ayon sa senador, halos dalawang taon na mula nang ipag-utos ang pagbabawal sa POGO, ngunit patuloy pa ring nakakakita ang mga awtoridad ng mga pasilidad na pinaghihinalaang ginagamit sa ilegal na operasyon.

Giit ni Hontiveros, dapat tukuyin at panagutin ang mga taong nagpopondo, nagpapaupa ng mga ari-arian at nagpapahintulot sa paggamit ng mga pasilidad para sa ganitong aktibidad.

Kasunod ito ng operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Socorro, Cubao noong Oktubre 12, kung saan 76 dayuhan ang nahuli.
Kabilang sa mga nadakip ang 74 Chinese at dalawang Myanmar national na pinaghihinalaang sangkot sa online scamming activities.

Nauna rito, 244 dayuhan din ang nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa mga bayan ng Siay at Alicia sa Zamboanga Sibugay noong Oktubre 2.

Binigyang-diin ni Hontiveros na sa mga nakaraang pagdinig ng Senado, naiugnay ang ilang POGO operation sa human trafficking, prostitusyon, money laundering at financial scams.

Nababahala rin ang senador sa posibleng banta ng mga naturang operasyon sa pambansang seguridad.

Muli niyang binanggit ang kaso ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang posibilidad na may mga natitira pang network na palihim na nag-o-operate sa bansa.

Hindi rin inaalis ni Hontiveros ang posibilidad na may mga ilegal na POGO operation na ginagamit sa espionage, bagama’t wala pang inilalahad na kumpirmadong ebidensya na ganito ang ginagawa sa mga bagong nadiskubreng pasilidad.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, ipinagbabawal ang pagtatayo at pagpapatakbo ng POGO hub, pati ang sadyang pagtulong o pagbibigay ng pasilidad para sa mga ipinagbabawal na operasyon.

Samantala, iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga posibleng paglabag ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan kaugnay ng mga POGO facility sa Zamboanga Sibugay.

Para kay Hontiveros, hindi na sapat ang paulit-ulit na pagsalakay at pag-aresto. Dapat aniyang tuluyang buwagin ang mga network sa likod ng ilegal na POGO upang hindi na muling makapag-operate sa bansa. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here