MANILA, Philippines – Sinabi ni Rodante Orbillo, isang retiradong Marine at umano’y dating bagman, sa Sandiganbayan nitong Huwebes na tinukso niya si Benny Bulontate na “paldo” matapos nitong ibunyag na nakatanggap umano siya ng pera kapalit ng pagbawi sa kanyang testimonya.
Nagbigay ng pahayag si Orbillo sa ikatlong dibisyon ng anti-graft court sa pagdinig sa piyansa ni dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng umano’y ₱7.44-bilyong kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura.
“Sabi ko sa kanya, paldo ka na,” ani Orbillo, na tumutukoy kay Bulontate, isa sa mga dating miyembro ng tinatawag na “Maleta boys” na dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Orbillo, hindi siya naniniwala sa pagbawi ni Bulontate sa kanyang testimonya dahil may kapalit umano itong natanggap.
“He (Bulontate) recanted because there is something in exchange for his recantation,” pahayag ni Orbillo sa korte.
Sinabi ni Orbillo na ibinahagi umano ni Bulontate ang tungkol sa pera nang magkita sila sa isang korte sa Las Piñas City na dumidinig sa kanilang kasong cyber libel. Ayon din sa kanya, tinawag ni Bulontate na “small” ang halagang natanggap nito, ngunit hindi nagbigay ng eksaktong halaga.
Sa isang pagdinig noong Martes, sinabi naman ni Christopher Esquivel, isa ring dating tauhan ni Co, na iniugnay umano siya ni Bulontate sa isang dating kasamahan na nag-alok ng ₱10 milyon sa bawat magbabawi ng testimonya. RNT/MDS