MANILA, Philippines — Isang politiko mula sa Mindanao ang umano’y nagpondo sa chartered flight na may kaugnayan sa pagkakasamsam ng 521 kilo ng shabu sa Laos, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“We have identified the financier behind this drug operation. This politician is based in the South, in Mindanao,” pahayag ni PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
Ayon kay Calulut, ang hindi pinangalanang politiko ay isang halal na opisyal na kumokontra sa kasalukuyang administrasyon. Hindi muna inilabas ng PDEA ang pagkakakilanlan nito dahil patuloy pa ang pagbuo ng kaso at alinsunod sa protocol na huwag pangalanan ang mga suspek bago pormal na magsampa ng kaso sa Department of Justice (DOJ).
Ang mga ilegal na droga ay umano’y ililipat sakay ng isang pribadong eroplanong inarkila sa halagang US$49,500 o tinatayang P3.1 milyon.
Nauna nang tinukoy ng PDEA ang dalawang Pilipinong iniimbestigahan dahil sa posibleng pagkakasangkot sa operasyon, na kilala sa mga alyas na “Fahad” at “Boyet.” Naaresto na si Fahad ng mga awtoridad sa Laos, habang huling naiulat na nasa Hong Kong si Boyet.
“It’s no longer just the two individuals previously mentioned – aliases Boyet and Fahad. We have also identified their associates,” ayon kay Calulut. Patuloy pa silang nangangalap ng ebidensiya at hindi pa tinukoy kung ilan ang sangkot.
“Perhaps, the next few days, there will be people who will face charges, and we are looking at pursuing a case for violation of Republic Act No. 9165,” dagdag niya. Saklaw ng imbestigasyon ang Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules na natukoy nito ang 10 person of interest sa umano’y smuggling operation. Gayunman, hindi pa nito nakukumpirma kung kabilang sina Fahad at Boyet sa mga ito. RNT/MDS