CALOOCAN CITY, Philippines – Shoot sa hoyo ang dalawang kelot na kapwa wanted sa kaso ng Sexual Assault sa Caloocan at Malabon Cities nang maaresto sa magkahiwalay na manhunt operation ng pulisya sa nasabing mga lungsod.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang operation laban sa 26-anyos na delivery rider na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) ng Caloocan CPS.
Dakong alas-10:10 ng gabi nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section of Caloocan City Police Station (CCPS) ang akusado sa Barangay 178, Camarin ng lungsod.
Dinakip siya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape by Sexual Assault na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 129, Caloocan City, noong October 12, 2026, na may inirekomendang piyansa na ₱120,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Sa Malabon, isinilbi naman ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon City Police sa 34-anyos na construction worker ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 289, Malabon City, noong August 24, 2026, para sa kasong Sexual Assault alas-2:10 ng hapon sa Jail–Male Dormitory sa Barangay Catmon.
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, may inirekomenda namang piyansa na P120,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado na kasalukuyang nakapiit sa nasabing piitan matapos maaresto sa kasong paglabag sa PD 1602. (Merly Duero)