MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga kumakalat na umano’y “wacky” photos ng mga miyembro ng prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na kuha umano sa loob ng Senate Session Hall.
Dahil sa pagkalat ng mga larawan online, ipinag-utos ni Gatchalian na suriin ang mga CCTV footage upang matukoy kung totoong nag-pose para sa mga ito ang mga tagausig. Sinabi niyang posibleng in-edit ang mga larawan o nilikha gamit ang artificial intelligence (AI).
“Ang session hall at ang Senado ay sagrado,” ani Gatchalian, na nagpaliwanag na dito ginagawa ang mga batas at tinatalakay ang mahahalagang usapin.
Dagdag niya, nararapat lamang na igalang ang institusyon. “Hindi naman tama na may ginagawa kang katawa-tawa sa loob ng ating institution,” aniya.
Sinabi rin ni Gatchalian na kung mapatutunayang tunay ang mga larawan, gayundin ang hiwalay na insidente ng pagkuha ng TikTok video sa loob ng bakuran ng Senado, kikilos ang kapulungan laban sa mga sangkot.
“Gagawa tayo ng statement. Susulatan sila, bibigyan ng warning,” pahayag niya. RNT/MDS