MADALAS magpadala ng mensahe ang mga bangko sa kanilang mga kliyente upang magbabala laban sa mga scammer na gumagamit ng kaparehong pangalan o logo ng bangko at humihingi ng OTP. Ngunit sa kabila ng mga paalalang ito, marami pa ring nabibiktima ng ganitong modus.
Mayroon akong malapit na kaibigang halos mawalan ng katinuan nang mawala ang perang kanyang pinaghirapang ipunin mula sa kanyang negosyo sa loob lamang ng isang araw. Inakala niyang lehitimong mensahe iyon mula sa kanyang bangko kaya ilang ulit niyang ibinigay ang hinihinging OTP. Pung! Mahigit kalahating milyon ang naglaho sa isang iglap!
Sunod-sunod ang mga transaksyon bago niya matuklasang malaki na ang nabawas sa kanyang account. Agad siyang nagreklamo sa bangko, ngunit tumanggi itong tukuyin kung saan napunta ang pera, idinadahilan ang Bank Secrecy Law at Data Privacy Act.
Nakagagalit! May biktimang nawalan ng pinaghirapang salapi, ngunit tila mas nangingibabaw ang mga batas sa pagiging bukas ng impormasyong makatutulong sa imbestigasyon. Hindi naman hinihinging isapubliko ang pribadong datos ng ibang kliyente. Ang hinihingi ay makabuluhang kooperasyon upang matunton ang pera at mapanagot ang salarin. Kung may pagkukulang sa seguridad o paghawak ng reklamo, dapat itong siyasatin. Hindi sapat ang pagtatago sa likod ng mga batas.
Ngunit hindi lamang mga bangko ang dapat managot sa pagsusuri. Nasaan ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology at National Privacy Commission?
Ipinarehistro sa milyon-milyong Pilipino ang kanilang mga SIM card sa pangakong mapipigilan ang text scams, phishing at iba pang krimeng gumagamit ng cellphone. Ngunit bakit talamak pa rin ang panloloko? Ano ang silbi ng SIM registration kung patuloy na nakapaglalaho ang pera ng mga biktima at tila nakalulusot ang mga kriminal?
Hindi sapat ang pagpaparehistro at paulit-ulit na babala. Kailangang may konkretong resulta at ito nga ang mabilis na imbestigasyon, koordinasyon ng mga bangko at telco, at paghabol sa mga salarin.
Kung hindi kayang tuparin ng NTC, DICT at NPC ang pangakong proteksyon, panahon nang kwestyunin ang kanilang pagiging inutil. Hindi maaaring ang mamamayan ang magbayad sa kabiguan ng sistemang dapat sana’y nagtatanggol sa kanila.






