QUEZON CITY — Pansamantalang inilikas ang mga estudyante, guro at kawani mula sa Palma Hall at Malcolm Hall ng University of the Philippines Diliman nitong Huwebes ng hapon matapos kumalat sa social media ang isang umano’y banta sa seguridad.
Ayon sa UP Diliman, isang university stakeholder ang nagbahagi ng Instagram post na naglalaman ng banta laban sa dalawang gusali, dahilan upang ireport ito sa Public Safety and Security Office (PSSO).
Nakipag-ugnayan ang PSSO sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, habang rumesponde rin dakong alas-3 ng hapon ang Explosive Ordnance Disposal team at K9 units. Kasabay nito, inilikas ang mga tao mula sa Palma Hall at UP Law Complex.
Nagsagawa ng “sweep and panel” ang mga awtoridad sa Palma Hall bago inspeksiyunin ang Malcolm Hall at Bocobo Hall.
Walang nakitang kahina-hinala o mapanganib na bagay at idineklarang ligtas ang mga gusali para sa pagbabalik ng normal na aktibidad.
Sinabi naman ng Quezon City Police District na nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng online threat.
Ayon sa UP Diliman, magpapatuloy ang mga klase at regular na operasyon sa Palma Hall at UP Law Complex sa Oktubre 16. Santi Celario